Willie sa ABS-CBN : ‘Nakadapa na, huwag na nating tapakan’

Hindi nagbibigay ng pahayag si Willie Revillame tungkol sa pagpapasarado sa ABS-CBN. Wala siyang kahit anong social media account kaya wala ring anumang komento niya ang lumalabas.

Hinihintay ng bayan ang kanyang boses. Dalawang posibilidad ang kinasasabikang marinig ng publiko. Maglalabas ba siya ng saloobin tungkol sa hindi nila kagandahang paghihiwalay ng network?

Kinalimutan na ba niya ang naganap, lalo na ang kaliwa’t kanang pagsasampa ng demanda laban sa kanya ng network, tutal naman ay patuloy pa ring namamayagpag ang kanyang career?

Nu’ng Miyerkules nang hapon, sa kuwentuhan nila ng kanyang panauhing si Lani Misalucha sa Tutok To Win, ay kumawala ang tunay na saloobin ni Willie tungkol sa matinding problemang kinasasadlakan ngayon ng ABS-CBN.

Sinsero niyang sinabi na sana nga ay maiayos ng network ang mga problema dahil iba pa rin ang may healthy competition.

Sabi ng TV host, “Iba ‘yung may kakumpetensiya ka, hindi ‘yung nag-aaway, ha? Healthy competition lang. Nakagaganda ang ganu’n, kailangan mong galingan dahil may kalaban ka,” komento ni Willie.

Napunta sa iba-ibang paksa ang interbyuhan nila ni Lani Misalucha, hanggang sa bandang dulo ay nagpahayag si Willie, “Nakadapa na, huwag na nating tapakan.”

Sa puntong ‘yun ay nagsasalimbayang tawag at text ang tinanggap namin, lahat ay sumasaludo sa binitiwang komento ni Willie, positibo ang kanilang mga pahayag.

Sabi ng kaibigan naming propesor, “Kinilabutan ako sa sinabi ni Willie. Totoo naman ang sinabi niya, you don’t kick a dying dog. Nakadapa na nga naman, e!

“Kung walang magandang sasabihin tungkol sa pagpapasarado sa ABS-CBN, huwag na lang magsalita!” sabi ni prop.

Komento naman ni Liza, isang kaibigan sa kolehiyo, “Napakaganda ng sinabi ni Willie. Short but sweet. Marunong talaga siyang tumanaw ng utang na loob, kaya siya pinagpapala.”

-o0o-

Sa bakuran ng ABS-CBN ipinanganak ang Wowowee, ang programang minahal ng mga Pilipino sa iba’t ibang sulok ng buong mundo, ang nagbukas ng lahat ng pintuan ng biyaya para sa kanya.

Hinding-hindi niya ‘yun malilimutan, kung walang Wowowee ay hindi rin magkakaroon ng Willing Willie sa TV5 at Wowowin ngayon, na tinangkilik at sinubaybayan ng ating mga kababayan.

“Hindi man naging maayos ang paghihiwalay namin, tapos na ‘yun. Natanggap ko na ‘yun. Mahal ko ang istasyon, gusto kong maiayos ang problema nila,” sabi ni Willie nang magkausap kami pagkatapos ng kanyang programa.

Nabigo ang mga umaasang magsasalita si Willie Revillame laban sa network. Hindi niya pinsaya ang mga kumokontrang mabigyan pa ng prangkisa ang ABS-CBN.

May ipinadala kaming makahulugang quotation kay Willie pagkatapos naming mag-usap, akmang-akma ito sa eksaktong saloobin niya, “Always listen to you heart because although it’s on your LEFT, it’s always RIGHT.”