Niyaya ni Vice sa ‘It’s Showtime’

Nauwi sa phone patch interview kay Willie Revillame ang hiling ng isang contestant ng “It’s Showtime” nitong June 3.

Sa episode ng ‘Tawag ng Tanghalan’, si Ogie Alcasid ang tumawag sa kaibigan niya na si Willie Revillame. Kaya naman nagkaroon ng tiyansa ang “It’s Showtime” family na makausap siya nang live.

Humiling kasi ang contestant na si Clyde Borongan mula sa Iligan City ng isang drone para iregalo sa anak niyang lalaki.

Nanawagan naman si Vice kay Willie na baka pagbigyan ang hiling ng contestant. Doon na nagsimula ang phone patch interview matapos pagbigyan ni Ogie ang hamon ni Vice.

Sa huli ay nakausap ni Ogie si Willie at pumayag ito na i-live ang conversation nila.

“Vice, Ogie, ipaalaala mo lang na dati kong timeslot ‘yan na kinuha niyo,” pa­nimulang biro ni Will.

Matatandaan na ang “It’s Showtime” ang ipinalit na noontime show sa dating programa ni Willie na “Wowowee”.

Nagbiro pa nga ang Kapuso TV host kung puwede siyang mag-guest sa “It’s Showtime.”

Ani Vice, “Ay, oo, Kuya Will! Ngayon din, halika na!”

Tumawa naman si Willie at sinabing, “Huwag! Baka matanggal na naman ako. Lagi na lang akong natatanggal sa estasyon. Baka matanggal na naman ako.”
Pabirong hirit ni Vice, “Huwag kang mag-alala, bago ka matanggal, kami muna!”

Sa huli ay pinagbigyan ni Willie ang kahilingan ng contestant sa kondisyon na aabonohan muna ito ni Vice Ganda. ­(Ronaline Avecilla)