Sa kinang nina Erica Wilson at Jheck Dionela, tinuldukan ng Cignal ang three-game losing skid makalipas kalusin ang Foton, 15-25, 25-20, 25-18, 25-20 Huwebes ng gabi sa 7th Philippine Superliga 2019 Grand Prix 2nd round elims sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Lumabas ang bangis ng HD Spikers nang matisod sa first frame, hinarurot nila ang tatlong natitirang sets para makuha ang importanteng panalo.

Kinapitan ng Cignal sina import Wilson at libero Dionela upang akbayan ang HD Spikers sa 6-6 record. Lupaypay ang Tornadoes sa 1-9.

Kumayod si Wilson ng 33 points, mula sa 26 attacks, apat na blocks at tatlong service aces habang tumikada si Dionela ng 34 excellent digs para sa Cignal.

Nasikwat ng Tornadoes ang set 1 pero naitabla agad ng HD Spikers matapos ang pamatay na spike ni Wilson para makuha ang panalo sa second frame.

Ginanahan ang Cignal sa set 3, hinawakan muna ang 16-13 abante matapos ang malupit na kill ni import Anastasia Artemeva bago nagtala ng back-to-back service aces si Pauline Maurice Cardiente.

Tuluyan nang sinilo ng HD spikers ang panalo sa third frame, tinala ang biggest lead 24-17 at saka tinapos sa 25-18 para mamuro sa set 4 sa event na inisponsoran ng Asics, Mueller, Mikasa, Senoh, Team Rebel Sports, Bizooku, UCPB Gen, Cocolife, Hotel Sogo at Data Project.(Elech Dawa)