WIM Frayna nananalasa

Tuloy ang pamimisak ni Philippine number one Woman Inter­national Master Janelle Mae Frayna sa World Junior Chess Championships 2016 nang silatin si No. 2 seed WIM Alina Bivol ng Russia Huwebes ng gabi sa Bhubaneswar, Odisha, India.

Niladlad ng 19-anyos­ na Bikolana at 2016 National Open champion ang masisikip at matitinik na kumbinasyong atake sa kanilang 39 moves ng King’s Indian encounter para pahirapan ang kalaban na nag-resign dahil parating na ang mate sa huling dalawang sulong.

Ang matinding pa­nalo ay nagtulak sa Pinay woodpusher sa tabla-liderato sa kabuuang 4.0 points sa natapos na four rounds. May tsansa na itong solohin ang ­tuktok kapag tinibag sa top board ng round five ang kasalo sa unahan na si eighth seed WIM Dinara Dordzhieva ng Russia.

Kinapos sa kanyang winning position si reigning National Junior girls champion Woman FIDE Master Shania Mae Mendoza at bigo kay Romanian WFM Daria-Ioana Visanescu sa 63 moves ng Queen’s Declined exchange variation.