Mga laro ngayon (FilOil Flying V Centre)

10:00 a.m. – Air Force vs. Sta. Elena (for third)
1:00 p.m. – Cignal vs. Mega Builders (for title)
4:00 p.m. – Pocari vs. Air Force (w)
6:30 p.m. – Creamline vs. BaliPure (w)

Balyahan ang apat na teams sa pagsikwat ng dalawang tiket sa finals ng Premier Volleyball League Open Conference mamaya sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Parehong nasagad sa decider ang best-of-three semifinals series sa pagitan ng Pocari-Air Force at Creamline-BaliPure.

Sa pahirapang five-set victories din naigapang ng Water Defenders at Lady Warriors ang panalo noong Linggo para makapuwersa ng rubber match sa serye na binak-apan ng Mikasa at Asics.

Nasa Pocari ang momentum para habulin ang pangatlong sunod na korona, muling ibabandera ni coach Rico de Guzman sina Myla Pablo, Jeanette Panaga, Elaine Kasilag, Desiree Dadang at setter Gyzelle Sy. Sasandal naman si Lady Jet Spikers mentor Jasper Jimenez sa quick-set play nila na naka-angkla kina Dell Palomata at setter Wendy Semana, sa tulong nina Iari Yongco, Mary Ann Pantino, Joy Cases at Jocemer Tapic.

Walang Alyssa Valdez ang Creamline, samantalang may Grethcel Soltones ang BaliPure.

Umabot din sa five sets ang Game 1 na pinangibabawan ng Cool Smashers kahit wala si Valdez, inaasahan ang ma­tinding pukpukan sa win-or-go-home match.

Ang dalawang matches ay live na mapapanood sa ABS-CBN Sports + Action Channel 23 at via livestream sa www.sports.abs-cbn.com/livestream/pvl.