Win: Mga oil company bantayan sa hoarding

Hinimok ni Senador Sherwin Gatcha­lian ang Department of Energy (DOE) na lumikha ng task force upang tutukan ang implementasyon ng pani­bagong bugso ng dagdag buwis sa produktong petrolyo ngayong Enero.

Ginawa ni Gatchalian ang paha­yag dahil sa epektibo na nitong Enero 1, 2020 ang ikatlo at huling tranche ng tax hike sa produktong petrolyo sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.

Tataas ang presyo ng unleaded premium gasoline ng P1.01 kada litro at P1.65 kada litro naman sa diesel.

“Kailangan paigtinging mabuti ng Department of Energy (DOE) ang pagbabantay laban sa hoarding at profitee­ring sa bansa ngayong nakaamba ang dagdag na excise tax sa huling pagkakataon,” saad ni Gatchalian.

“Huwag na nating hayaan ang ilang mapagsamantalang retailers na ibenta sa mataas na halaga ang kanilang mga lumang imbentaryong produkto, ga­yong nabili nila ito bago pa man maimplementa ang third tranche ng excise tax sa fuel,” dagdag ng senador.

Ayon pa sa senador, ang mga kompanya ng langis ay nagmamantine ng minimum inventory na katumbas ng 15-day supply ng produktong petrolyo alinsunod sa Circular No. 2003-01-001 ng DOE.

Hiniling din ni Gatchalian sa DOE na busisiin ang imbentaryo ng mga coal plant dahil sa inaasahang pagtaas ng power rate sa halagang P0.03 per kWh.

Nakiusap din ang senador sa Department of Trade and Industry (DTI) na bantayan ang presyo ng mga pangunahing bilihin upang matiyak na hindi ipapasa ng mga negosyante ang epek­to ng implementasyon ng TRAIN Law.