Win sa Deped: Bigyan ng psychosocial support mga estudyante

Kailangang bigyan ng Department of Education o DepEd ng psychosocial support ang mga mag-aaral na dumaranas ng stress o anxiety lalo na’t pinalawig pa ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ayon kay Senador Win Gatchalian, nakakaapekto sa mental health ng mga mag-aaral ang pagkakagambala ng kanilang mga klase na nananatiling suspendido.

“Ngayong dumadaan tayo sa isang krisis, importanteng iparating natin sa mga mag-aaral na nauunawaan natin ang kanilang mga pangamba at handa tayong gawin ang lahat upang masiguro ang kanilang kaligtasan,” sabi ng mambabatas.

“Bahagi nito ang malinaw na pagpapaliwanag kung ano ang maaaring idulot ng COVID-19 at kung paano natin ito maiiwasan,” dagdag pa ni Gatchalian na Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Mahalaga din aniya ang papel ng mga guro, guidance counselor at mga magulang sa pangangalaga ng mental health ng mga kabataan kung saan sila ang dapat magbigay ng paggabay kung paano matutugunan ang mga pangangailangan lalo na sa panahon ng krisis.

“Mahalagang iparating natin sa mga mag-aaral na bagama’t hindi nila nakakasama ang kanilang mga guro, mga kaklase, at mga kaibigan, magpapatuloy pa rin ang kanilang pag-aaral sa isang ligtas at mabisang paraan,” sabi pa ng senador.

Ayon kay Gatchalian, dapat gamiting sanggunian ng DepEd ang “Key Messages and Actions for COVID-19 Prevention and Control in Schools” ng World Health Organization (WHO), United Nations Children’s Fund o UNICEF, at ng International Federation of the Red Cross and Red Crescent Societies sa pangangalaga ng mental health ng mga mag-aaral.

Sa rekomendasyon ng tatlong ahensiya, ani Gatchalian, dapat iparamdam ng mga guro na normal lamang para sa mga mag-aaral ang pagkakaroon ng iba’t ibang mga tanong at reaksyon sa kalagitnaan ng kasalukuyang public health emergency.

“Dapat hikayatin ng mga guro ang kanilang mga mag-aaral na ipagtapat ang kanilang mga pangamba,” ani Gatchalian.

“Ang pagpapakita ng suporta sa kanilang kapwa mag-aaral at pag-iwas sa bullying ang ilan din sa mga inire-rekomendang dapat ituro sa mga mag-aaral,” dugtong pa nito. (Dindo Matining)