Tumabo si James Harden ng 31 points at 10 rebounds, at pinahaba ng Houston Rockets ang winning streak sa season-high 7 games sa bisa ng 107-91 panalo kontra Philadelphia Biyernes ng gabi.
Taas-baba ang kampanya ng Houston nang abutin ng injuries sina Clint Capela at Chris Paul, walang makatuwang si Harden. Apat na larong nawala si Harden ngayong season, pero ang mga kapwa niya stars na sina Paul at Capela ay nagpahinga ng 15 at 19 games dahil sa injuries.
“I think it’s very obvious with Clint, Chris and James playing together and they’re all healthy and in rhythm we’re pretty hard to beat,” pagmamalaki si coach Mike D’Antoni.
Naglista ng 37 points sa first quarter ang Rockets, lamang pa ng 22 papasok ng fourth. Walang pampigil ang 76ers kay Capela dahil wala pa rin si Joel Embiid na walong laro nang lumiliban dahil sa nananakit na kaliwang tuhod.
Nagsumite ang Houston big man ng 18 points, 9 rebounds. May 8 assists si Paul.
Nang unang magtagpo ngayong season ay nanaig ang Philadelphia 121-93 sa likod ng 32 points ni Embiid.
May limang minuto pa sa laro, dumakdak si Harden tungo sa 99-81 at sa pang-30 laro ngayong season ay nakakapaglista na siya ng 30 points o higit pa. Pagkatapos niyon ay inubos na ni D’Antoni ang bench.
May 22 points si Tobias Harris sa 76ers, may stomach flu si Ben Simmons pero naglaro at nagsumite ng 15 points, 10 assists at 9 rebounds.