DUMAAN na naman sa matinding pagsubok si Mark Herras sa nangyari sa kanyang Tito Hermie Santos na isa sa nagpalaki sa kanya.

Ang Tito Hermie ni Mark ang kapatid ng mommy niya na tumulong sa pagpapalaki sa kanya kasama ang kina­lakhan din niyang Daddy Jun na pumanaw na.

Ngayong taon lang pumanaw ang mommy ni Mark, kaya sukob pa itong pagkamatay ng Tito Hermie niya.

Hindi lang namin nakuha ang buong detalye, pero namatay raw ang Tito Hermie ni Mark kahapon ng umaga dahil na-heart attack.

Nasa hospital pa si Mark nang sandaling nakausap namin at inaayos ang burol ng kanyang tito.

Malaki ang tulong sa kanya ng kasintahang si Winwyn Marquez na kasama niya habang nag-aayos.

Hindi siya iniwan ni Winwyn kahit may pinagdaanan din ito sa half-brother na si Mark Anthony Fernandez.

Si Mark Herras ang bidang lalaki sa panghapong drama series ng GMA 7 na Sa Piling ni Nanay.