SERYOSO si Mark Herras sa pag-iipon bilang paghahanda sa kanyang paglagay sa tahimik.

Wala pang isang taon ang relasyon nila ni Winwyn Marquez pero aminado ang Kapuso actor na malaki ang ipinagbago niya dahil sa magandang impluwensya ni Winwyn.

Ilang beses nang sinasabi ni Mark sa mga nakaraang interviews na one or two years from now ay gusto na niyang magkaroon ng pamilya.

Ani Mark, “Aaminin ko sa inyo, talagang ngayon lang nag-ipon na hindi ko lang sinasabi talagang ginagawa ko siya talaga.

“Before kasi, sinasabi ko, I’m saving up pero hindi naman totoo. Ito talaga, totoo.”

Napapangiti si Winwyn na pinapakinggan ang mga sinasabi ni Mark.

“Magti-30 na kasi ako, siguro mga 31, 32. I mean kasi siyempre, hindi naman ako bu­mabata.

“Na-enjoy ko naman ang showbiz career ko na almost 14 years. Ako, parang gusto ko na rin ta­laga magkaroon ng sa­riling family.

“Siguro, in 1 or 2 years time. Kaya nagsi-save ako talaga nang seryoso para… I’m preparing for the future,” dagdag niyang pahayag.

Sabi ni Winwyn, ganun na rin sana ang gusto niyang mangyari, bago siya mag-30 ay may pamilya na rin siya.

Simpleng housewife lang daw ang dream niya.

Ani Winwyn, “I really­ dreamt of having my own family. Tapos, ‘yung may sariling school lang, and then I’m at home, du’n lang ako nagwu-work with my kids.

“Kumbaga, ‘yun lang ang vision ko sa sarili ko nu’ng bata pa ako. Ganu’n lang ka-simple.

“Sabi ko, I really wanna have kids before I turn 30.”

Mag-25 pa lang si Winwyn, kaya ilang taon pa ang hihintayin ni Mark.