Parang titulo ng isang programa sa telebisyon ang maganda sanang balita pero bitin na nagmula sa Kuwait tungkol sa hinaha­ngad na hustisya para sa pinaslang na OFW na si Joanna Demafelis.

Si Joanna ang OFW na isang taon nawala bago aksidenteng nakita ang bangkay sa loob ng freezer sa ina­bandonang apartment sa Kuwait nitong Enero 2018. Ang suspek sa pagpatay sa kanya, ang kanyang mag-asawang amo na isang Lebanese at isang Syrian, na umalis na sa Kuwait.

Pero sa tulong na rin ng Interpol, nadakip pagkaraan ng ilang linggo ang mga suspek sa Damascus, Syria. Iyon nga lang, dahil hindi naman Kuwaiti national ang dalawa, hindi sila ibinalik sa Kuwait at nakadetine pa sa kani-kanilang bansa.

Ang wish na hustisya ng mga kaanak para kay Joanna, aba’y mabilis naman na ibinigay ng korte sa Kuwait. Sa unang pagdinig pa lang sa kaso, guilty na agad ang hatol ng hukom at bitay ang parusa sa mag-asawa.

Iyon nga lang, kulang ang selebrasyon ng mga naghahangad ng hustis­ya para kay Joanna dahil hindi naman tiyak pa sa ngayon kung maipa­tutupad ang hatol. Kasi nga, wala sa Kuwait ang mag-asawang akusado nang hinatulan. At dahil wala sila sa Kuwait, hindi nila naidepensa ang kanilang mga sarili.

Kaya naman daw puwedeng iapela ng mag-asawa ang hatol kung maibabalik sila sa Kuwait. Ang tanong ng ating kurimaw, kailan kaya? Hindi pa kasi malinaw kung maaa­ring maibalik sa Kuwait ang dalawa lalo pa’t maituturing na ‘problemado’ ang mga bansa na kanilang kinaroroonan na Lebanon at Syria dahil sa mga kaguluhan sa nabanggit na mga lugar.

Pero habang bitin ang selebrasyon, dapat sigurong pag-aralan ng pamahalaan ng Pilipinas ang susunod na hakbang kaugnay sa ipinaiiral na deployment ban ng OFW sa Kuwait nga­yong nagbigay ng mabilis na ‘guilty’ verdict ang korte ng Kuwait laban sa mga amo ni Joanna.

Matatandaan kasi na ipinatupad ng Pilipinas ang total ban ng OFW sa Kuwait matapos nga nitong nangyari kay Joanna at humiling sila ng mabilis na hustisya sa ating kababayan.

Kasama rin sa kondisyon ng Pilipinas para alisin ang ban ang pagkakaroon ng kasunduan ng dalawang bansa para mabigyan ng proteksiyon ang mga kababayan nating nagtatrabaho sa Kuwait.

Sa ngayon, hindi pa nalalagdaan ang nabuong kasunduan na pinag-usapan dito sa Pilipinas. At habang hindi pa inaalis ang ban, marami rin ta­yong mga kababayan na propesyonal at skilled worker ang apektado at naghihintay na makabiyahe na sila sa Kuwait para makapagtrabaho na.

Kung bitin man sa ngayon ang hustisya para kay Joanna, hindi naman siguro dapat ha­yaan ng pamahalaan na maging bitin ang lalamanin ng kasunduan ng Pilipinas at Kuwait para mabigyan ng nararapat na proteksiyon ang mga kababayan natin doon.

Pero sa ngayon, ano nga ba ang dapat gawin mga tsong; pananati­lihin pa rin ang ban, o dapat na bang alisin na, o partial lang muna at hayaan na mga propes­yonal at skilled worker lang ang payagang makaalis? Ano sa palagay niyo? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”