Work from home tinutulak dahil sa nCoV

Ngayon nalagpasan na ng 2019 novel coronavirus (2019-nCoV) ang bilang ng mga namatay sa 2003 SARS outbreak, hinikayat ni Senadora Risa Hontiveros ang private sector na tiyakin ang proteksiyon ng mga manggagawa at bigyan ng work from home option sa kanilang mga manggagawa.

“Dapat ligtas ang lahat. Ito ang priority natin,” pahayag ni Hontiveros.

Sabi ng senadora, sa kasalukuyan ay 40,000 katao na ang nahawaan ng coronavirus at mahigit 1,000 na ang namatay sa loob ng isang buwan. Noong 2003, 774 katao ang namatay sa SARS sa loob ng walong buwan.

“Para sa mga emple­yadong puwede namang work from home, dapat may ganoong option,” sabi ni Hontiveros.

“Kung hindi naman kailangang mag-commute ang empleyado araw-araw, mas mapapangalagaan ang kalusugan nila kapag puwedeng magtrabaho sa bahay,” dagdag pa nito.

Hinikayat din ni Hontiveros ang mga emplo­yer na bigyan ng protective gear ang kanilang mga kawani sa mga workplace.

“Dapat may access sa running water, sabon, alcohol, at hand saniti­zer ang mga empleyado sa loob ng pagawaan,” ani Hontiveros.

“Lalong-lalo na sa mga empleyadong nasa frontline at nasa mara­ming tao, kailangang i-provide ng kompanya ang mga mahahalagang gamit kagaya ng mask at alcohol,” saad nito.

“Kagaya ng mga salesladies, mga cashier at iba pang nasa service sector, dapat sagot na ng kumpanya ang pang-araw-araw na protective gear nila,” ayon pa sa mambabatas. (Dindo Matining)