May pasilip ang Serbia at Italy kung paano ang itatakbo ng kanilang kampanya sa 18th FIBA World Cup 2019 sa Aug. 31-Sept. 15.

Sa likod ng 20 points ni Nikola Jokic, tinambakan ng Serbia ang Italy 96-64 sa Acropolis Tournament sa Athens, Greece na ginamit ng dalawang bansa bilang paghahanda sa World Cup.

Kasama ng Gilas Pilipinas ang Italy, Angola at Serbia sa Group D sa unang yugto ng FIBA tournament sa China. Top two ng bawat grupo ang uusad sa next round.

Sa Athens, nagdagdag si Bogdan Bogdanovic ng 15 points para sa Serbians, may tig-13 points sina Boban Marjanovic, Marko Guduric at Nemenja Bjelica.

Nagsalpak ng 13 3-pointers ang Serbians, nagkasa ng 31-17 pasabog sa second quarter tungo sa 45-32 lead sa break at ‘di na lumingon.
Pinangunahan ng 16 points ni Marco Belinelli ang Italians, may 11 markers si Alessandro Gentile. (VE)