KRITIKAL ang isang tatay nang tagain sa ulo na umabot sa bungo ng isang lasing na lalaki matapos mapagkamalang dati nitong kaaway sa Tanza, Cavite.

Unang isinugod sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital bago inilipat sa Philippine General Hospital ang biktimang si Alfred Sagaio, 42, may-asawa, ng Phase 1 Sec 10, Block 7 Lot 11, Brgy Paradahan 2, Tanza, Cavite.

Arestado naman ang suspek na si Ray Nabado, 27, binata, ng Brgy. Ligas 2 Bacoor City, Cavite at nakakulong sa Tanza Custodial Center.

Sa ulat ni PSSgt Yves Luyun, ng Tanza Municipal Police Station, naglalakad ang biktima kasama ang kanyang anak sa Brgy Bagtas Tanza, Cavite dakong alas-9:40 Huwebes nang gabi nang makasalubong nito ang suspek na pasuray-suray sa sobrang kalasingan kaya napatingin ito.

Nabigla na lamang ang biktima nang kinuha ng suspek ang itak nito sa bewang at sinugod siya ng taga.

Sa presinto, matapos mahimasmasan sa kalasingan ang suspek ay sinabi nito na inakala niyang ang dati nitong kaaway ang biktima kaya niya sinugod at tinaga. (Gene Adsuara)