‘Wowowin’ fan nabagok, tigok

Nabalot ng trahedya ang taping ng variety show na ‘Wowowin’ noong Martes nang hapon matapos na mahulog sa mataas na hagdan ang dalawang babaeng audience na ikinamatay ng isa.

Sa ipinalabas na joint statement ng GMA Network at ng WBR Entertainment na pinamumunuan ng host ng show na si Willie Revillame, nangyari ang aksidente noong Martes, dakong alas-5:25 nang hapon.

Habang isinasagawa ang opening number kung saan nagsasayaw at kumakanta ang mga audience, nawalan ng panimbang kaya’t nahulog sa bleacher ang mga biktimang sina Milagros Espiritu at Estrella Bognot.

Ayon sa pahayag ng Security Marshall na si Roel Batang na siyang nakakita sa pangyayari, tumama ang ulo ni Bognot sa fire extinguisher.

Agad namang isinugod sa Delgado Hospital ang dalawa subalit binawian ng buhay si Bognot. Si Espiritu ay nagtamo naman ng sugat sa insidente.

“WBR Entertainment and GMA Network deeply commise­rate with, and extended immediate assistance to, the families and loved ones of the victims.” ayon pa sa kanilang statement.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may namatay sa show ni Revillame dahil noong Pebrero 4, 2006 ay 73 katao ang namatay at 400 ang nasugatan sa stampede sa Ultra na ngayon ay PhilSports Arena sa Pasig City.

Nag-unahan ang mga taong gustong makapasok sa arena upang makasama sa unang anibersaryo ng programang ‘Wowowee’ na isinasaere pa noon sa ABS-CBN lalo pa’t naglalakihan ang papremyong ibibigay sa mga audience o contestant.

Inabsuwelto naman ng noo’y Justice Secretary Raul Gonzales si Revillame sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and physical injuries.