Xi Jinping handang tumulong sa ‘Pinas sa giyera kontra COVID

Handang tumulong at magbigay ng suporta ang China sa Pilipinas kaugnay sa ginagawang pagsisikap ng gobyerno na mapigilan ang paglala ng coronavirus disease 2019 sa bansa.

Sa kanyang mensahe sa bayan nitong Lunes ng gabi, sinabi ng Pangulo na nakatanggap siya ng mensahe mula sa Chinese President at nag-alok ng tulong bilang pagtanaw ng utang na loob sa ginawang pag-alalay ng Pilipinas noong naharap ang mga Chinese sa matinding pagsubok sa COVID-19.

“I have a sort of a note from President Xi Jinping expressing his full support for us at this time and citing what we did to help China and of course the–not really erase but to counter the malign that they were suffering at early at this stage,” anang Pangulo.

Sinabi ng Presidente na hindi kasalanan ng China na nagmula sa kanila ang coronavirus at wala aniyang bansa ang gustong mag-imbento ng mikrobyo para pumatay kasama ang mamamayan nito,

“Hindi naman nila kasalanan galing yung –who would really want to invent a microbe to kill humankind pati yung iyo,” dagdag ng Pangulo.

Matatandaang nauna ng nagpadala ang China ng mga gamit para sa health workers noong kasagsagan ng lockdown , at nito nakalipas na linggo ay dumating sa bansa ang Chinese medical experts para tumulong sa mga eksperto sa bansa. (Aileen Taliping)