Humantong sa tagaan ang payabangan diumano ng magkaibigang lalaki sa Batac City, Ilocos Norte kaugnay sa mga naging karelasyon nilang ­babae.

Base sa ulat ng lokal na pulisya, nag-inuman ang magkaibi­gang Jerry Espiritu at Jonnel dela Cruz, kapwa nasa hustong gulang, sa kanilang lugar sa Batac.

Habang nagtatagayan, napunta ang paksa ng kanilang usapan tungkol sa mga naging karelasyon nilang babae hanggang sa magkapikunan umano ang mga ito sa kanilang pagpapayabangan.

Nag-away ang magkaibigan hanggang sa pinukol umano ni Espiritu ng itak ang kaibigang si Dela Cruz na tinamaan sa paa.

Dahil sa galit, gumanti si Dela Cruz at sinugod naman ng itak si Espiritu at tinaga sa ulo.

Hindi naman napuruhan si Espiritu at agad din itong ­naisugod sa pagamutan kung saan nagpapagaling ito sa ­kasalukuyan.

Napag-alaman na sumuko rin si Dela Cruz sa mga awtoridad matapos ang insidente.