Yakapin ang modernisasyon

Matinding perwisyo ang inihatid sa ating mga kababayan ng inilunsad na transport strike ng ilang grupo sa pangunguna ng Pinag-isang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) kahapon.

Ugat ng protesta ng grupo ay ang matinding pagtutol sa nakaambang modernisasyon ng public utility vehicles (PUV) ng gobyerno.

Umaalma ang ilang transport group sa pangunguna ng PISTON sa modernisasyon dahil sa malaking perang kanilang gagastusin para palitan ng modernong jeep ang mga lumang jeep.

Kung titingnan lamang sa nasabi aspeto ang mo­dernisasyon ay mahirap itong tanggapin ng mga apek­tadong sektor.

Pero kung titingin tayo sa positibong aspeto ka­tulad ng mga benepisyong hatid ng PUV moder­nization ay gaganda ang pananaw ng buong transport group.

Kaya ang sa amin, dapat ay ikinukonsidera rin ng grupo ang benepisyo sa mga pasahero hindi lang sa kanilang hanay.

Unang-una ay hindi maikakaila na hindi na ligtas ang karamihan sa mga jeep na bumibiyahe dahil sa sobrang tanda na ang karamihan sa mga ito.

Kaya isa sa isinasangkalang kabutihang hatid ng modernized jeep ay sa gilid at hindi sa likuran ang sakayan ng mga pasahero.

Sa disenyong ito ay mas magiging madali at ligtas ang pagsakay at pagbaba sa jeep lalo na ang mga senior citizens, PWDs at mga bata.

Eco-friendly din ang mga modernong jeep kaya tiyak na mababawasan na ang polusyon na pumipinsala sa ating kapaligiran.