Yaman ni Trillanes nakatago sa mga dummy — Digong

Inakusahan ni Pangulong Rodrigro Duterte si Senador Antonio Trillanes na may nakatagong mga kayamanan gaya ng mga kotse at lupain gamit ang mga dummy o nakapangalan sa ibang tao.

Ayon sa Pangulo, isang araw ay lalabas ang mga ‘hidden wealth’ ni Trillanes matapos mabunyag ang plano nitong pagpapatalsik sa kanya sa puwesto.

Magugunitang inakusakan noon ni Trillanes si Duterte na may unexplained wealth at mga secret bank account ilang araw bagong ang 2016 election day.

“Binaboy mo ang Senado. And you used that power to run after people. At ikaw ngayon… ‘Di alam ng mga sundalo. Hindi nila alam na karami mong kotse tapos karami mong properties na nakalista sa ibang tao. Ikaw ‘yung number one nanggagamit ng tao. Lalabas rin ‘yan. Kaya sabi ko walang hiya ka, hindi ka lalaki,” sabi pa ni Duterte sa kanyang speech sa Davao City.

Resbak rin ito ng Pangulo matapos mabunyag na si Trillanes kasama Liberal Party ang nasa likod nang pagbubunyag ni Peter Joemel Advincula alyas ‘Bikoy’ sa mga ‘Totoong Narcolist’ video na kumalat.

Binomba din ng Pangulo ang sobrang scripted ng mga pasabog ni Bikoy sa kanyang video kung saan pati ang kanyang 14-anyos na anak na si Kitty ay isinangkot sa nasabing black propaganda.

Ipinahayag naman ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi nagtagumpay si Trillanes sa mga malisyosong paninira nito at sa pagtatapos ng termino ni Trillanes sa Senado ay posibleng makulong pa ito.