‘Yan ang tunay na reporma

Jeany Lacorte

Good move ang gina­wang aksyon ng Department of Foreign Affairs (DFA) na pagsasaa­yos ng sistemang ipinaiiral sa pagkuha ng pasaporte.

Nitong buwan ng Agosto ay may ilang polisiyang ipinatupad ang DFA bilang solusyon sa hinaing ng mga nagre-renew at nag-a-apply ng bagong pasaporte.

Kabilang dito ay ang pagtanggal sa ibinibigay na prebilehiyo sa travel agencies na mayroong fixed appointment slots para sa passport application at renewal ng kanilang mga kliyente.

Ayon kay Ricarte B. Abejuela III, Acting Director ng Passport Division ng Office of Consu­lar Affairs, aabot sa 1,200 slots na araw-araw na nakareserba sa mga travel agencies ang idinadag na para sa mga regular na aplikante.

Ang hakbang ay ipi­natupad ng DFA para mas maraming appointment slots ang maibigay sa publiko.

Maging ang mga kawani umano ng DFA ay saklaw ng pagbabago matapos tanggalin ang kanilang pribilehiyo na gamitin ang courtesy lane simula noong Agosto 1, 2017.

Sa ilalim ng bagong sistema, tanging mga mi­yembro ng immediate family tulad ng magulang, asawa, anak, kapatid, lolo at lola, mga apo at parents-in-law ng mga empleyado ang maaaring makagamit ng courtesy lane.

Saludo tayo sa pagbabagong ipinatupad na ito ng DFA.

Tama ang ginawang ito ng DFA dahil pagpapakita ito ng malasakit nila sa taumbayan.

Naging kapansin-pansin na ang pagbaba ng pang-araw-araw na courtesy lane slots na nakalaan sa mga DFA employee ay nagresulta sa pagtaas ng daily slots para sa mga aplikante.

Dahil sa mga bagong courtesy lane slots, ani Abujuela, napalawak ng DFA ang depinisyon ng mga OFW na maaaring gumamit nito. Maaari na rin itong magamit ng mga OFW na magtatrabaho sa ibang bansa sa unang pagkakataon.

Maliban sa mga pani­bagong reporma, binuksan din ng DFA ang libu-libong appointment slots matapos taasan ang appointment quotas ng consular offices at tanggalin ang mga kahina-hinalang appointments na ginawa ng mga mapagsamantalang indibidwal.

Karagdagang 94,350 slots ang binuksan mula July hanggang August, samantalang 86,889 ang kasalukuyang idinagdag para naman sa buwan ng Setyembre.