Yap, Bowles mambabarako sa RoS

Yap, Bowles mambabarako sa RoS

sana maulit muli

Mga laro ngayon: (Mall of Asia Arena, Pasay)
4:30pm — Phoenix Pulse vs. Blackwater
7:00pm — Rain or Shine vs. Meralco

Muling magsasama sa Rain or Shine sina James Yap at Denzel Bowles, susubukan kung magki-click pa ang angas ng tambalan na naghatid dati sa B-Meg Llamados sa titulo ng PBA Commissioner’s Cup noong 2012.

Uumpisahan ng dalawa ang kampanya sa midseason confe-rence mamayang alas-7 nang gabi laban sa 1-2 Meralco sa second game sa Mall of Asia Arena.

Isang buwan ding halos nagpahinga ang Elasto Painters tapos ang semifinal finish sa Philippine Cup. Lumamang pa ang Rain or Shine 2-0 kontra Magnolia bago tumukod sa pitong laro.

Panlimang balik na sa PBA ni Bowles, 30, matapos ang stints sa Purefoods franchise noong 2012, 2013, 2015 at 2016. N­aging Best Import pa siya sa unang taon sa liga.

Kinuha siya ng TNT para ma-ging import sa edisyon ng parehong torneo noong 2017, pero pinasibat agad bago magsimula ang conference.

Bago magsimula ang midseason tourney, pinamigay ng Painters si Raymond Almazan sa Bolts. Sidelined pa rin si Almazan ng foot injury, ‘di pa naglaro sa unang tatlong asignatura ng bagong team.

Inaasahang makakabalik si Almazan ngayon, laban pa sa koponan na nag-draft sa kanya bilang third pick overall noong 2013.

Masusubukan muli ang kalibre ni Bowles laban kay Nigerian-American Gani Lawal, nagsumite ng 38 points at 20 rebounds sa huling laro ng Meralco, sa 110-95 loss sa Ginebra noong Linggo.(Vladi Eduarte)