Yap magpapa- lie detector kung kumita sa POGO

Handang sumailalim sa lie detector test si House committee on appropriations Chairman Eric Yap para patunayan na hindi niya inila-lobby ang balik-operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at hind siya kumita dito.

Sa interview ng Abante Tonite, sinabi ni Yap na bagamat tama si Finance Secretary Carlos ` Sonny’ Domiguez na siya ang naghirit sa isyu ng POGO, hindi umano nangangahulugan na itinutulak na niya ang pagbubukas muli ng mga gaming hub .

“Never ako nag-lobby sa (resumption ng) POGO,” sabi ni Yap.

Ayon kay Yap, kinatawan ng ACT-CIS Party-list na handa siyang sumailalim sa `lie detector test’ para patunayan na hindi niya kailanman ni-lobby ang pagbubukas ng POGO hubs lalo pa’t naka-lockfown ang buong Luzon. Aniya, wala siyang tinatanggap na anumang pabor sa mga Chinese gaming operator para itulak ang balik-operasyon nito.

“Pwede po akong magpa-lie detector test—kung tumanggap ba ako ng pera sa mga POGO operators? Kung hinikayat ba ako ng POGO operator or may-ari ng POGO na makiusap (sa Inter-Agency Task Force)? Wala. Ilalaban ko po ‘yan ng lie detector dahil po wala po akong tinatanggap diyan,” sabi ni Yap.

Pinaliwanag ni Yap, vice-chairman ng House committee on games and amusement na minungkahi niya kay Dominguez ang ideya na `work from home’ scheme sa mga POGO workers upang kumita uli ang gobyerno ng P500 milyon kada buwan sa buwis mula sa 60 rehistradong gaming hub sa bansa .

“Work from home arrangements should be explored or kung kailangan magpunta ng mga workplaces, dapat stay-in. If you can’t do either, you will not be allowed to operate,” diin ni Yap.

“We need all the help that we can get right now, hindi makakasama sa atin kung may dagdag tayong makukuhanan ng pera para magamit natin para sa mga kababayan nating nagugutom. Lives are at stake and we need to act fast,” dagdag pa nito.

Nauna nang tinulak ni Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) chairman Andrea Domingo na ibalik na ang POGO para makatulong sa kampanya laban sa COVID-19 ng gobyerno.

Mabilis naman kinuwestiyon ni Senador Francis Pangilinan ang panukalang ibalik ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.

Ayon sa senador, mukhang malakas ang kapit ng mga negosyanteng Intsik na may koneksyon sa mga gambling lord at sindikato kaya pilit nilang pinabubuksang muli ang operasyon ng POGO sa gitna nang kinakaharap ng COVID-19 pandemic.

“Masyado naman ata malakas ang kapit ng mga negosyanteng may mga connection sa mga gambling lords at sindikato na uunahin pa negosyo at trabaho ng Chinese nationals habang milyon nating mga kababayan ay walang hanap buhay,” pahayag ni Pangilinan sa kanyang text message.

Sa halip na unahin ang negosyo at trabaho ng mga Chinese, sinabi ni Pangilinan na dapat asikusahin ng gobyerno ang kapakanan ng mga Pilipinong naghihirap bunsod na nararanasang krisis sa kasalukuyan.

“Unahin nila ang kapakanan ng mga Pilipino at hindi mga negosyo at trabaho ng mga Chinese,” sabi pa nito. (JC Cahinhinan/Dindo Matining)