Hindi naiwasan ng pisikal maglaro at isa sa mahusay na dating player sa Philippine Basketball Association (PBA) na si Rogelio ‘Roger’ Yap na maiyak sa mga pamba-bash at sa “blind item” na pinahayag ni Pasig City Mayor Victor Maria Regis ‘Vico’ Sotto.
“Bro, alam mo naman kaming mga Bisaya, ‘di ba, medyo talagang malalakas lang talaga ang boses namin kapag nag-uusap-usap kami. Hindi siguro naintindihan nang nagsumbong sa kanya iyong suggestion ko,” sabi ng 42-year-old, six-footer combo guard na sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL) nagpatuloy ng playing career.
Ikinadismaya ng Cebuano, umaming hindi nakatulog dahil sa masasakit na balita sa kanyang social media account, ang nangyari, at ang hindi man lamang kinuha ang kanyang panig bago ipinaalam sa madla ang sumbong sa alkalde.
“Nag-usap na kami, nagpunta ako mismo sa opisina niya nang malaman ko para paliwanagan siya. Pumunta agad ako at pumasok sa office niya para ipaliwanag na wala naman akong sinigawan at minura. Suggestion lang naman ang sa akin at hindi naman ako nakipag-argumento sa kanila,” wika ng Manila Stars cager.
“Alam ko naman ang hirap din ng mga katulad nila, frontliner din ang kapatid ko. Pangit naman kung gagawin ko iyOn. Panay pa nga ang post ko ng mga papuri sa mga frontliner dahil mayroon din akong kapamilya na health worker saka mayroon nga nagbigay sa akin ng 2 kilong bigas, lubos na ang pasasalamat ko sa nagbigay,” sabi niya.
Ikinalungkot at halos ikaiyak din ni Yap at kanyang pamilya sa Cebu na tumawag at sinabihan siya tungkol sa pangyayari na kanyang nais maituwid at maipahayag ang kanyang panig.
“Hindi naman sa wala akong galang. Nag-open ako noon ng gate dahil nga sa tulong. Tungkol daw sa binigay ni Mayor, nagtanong lang ako doon sa isa, papaano kukunin, paalis din kasi ako noon, bibili ako ng tinapay. Hindi ako gagawa ng gaanon para lang sa p300 food coupon, saka nagtanong ako bakit food coupon?,” aniya.
“Ipapakita raw sa Mobile Palengke, nagtanong ako kung pipila pa, sabi ko hindi naman yata tama, kasi nga dahil pipila ka pa para makakuha Ang akin lang naman ay suggestion, nasabi ko na kasama ka ba nila, kaibigan ko pa naman bayaw niya, pero mali naman ang ginagawa na proseso, dapat bahay-bahay na lang, kasi nga pipila ka pa eh may positive na dalawa dito sa lugar namin, paano kung nakapila din ang positive or iyong naka-contact sa kanya? Mas malaki ang tsansa na magkahawahan,” sabi ni Yap.
“Madalas nga order na lang ako pagkain online para hindi lumabas. Pero nang nalaman ko na mayroon nagreklamo daw sa akin. Mali bang mag-suggest, eh kayo ang mamimili at mahaba ang pila. Nais ko lang sana maiparating ko lang kay Mayor, na hindi sa tinatanggihan ko ang Mobile Palengke, hindi lang maayos ang proseso. Kaso mali ang nakarating sa kanya,” patuloy ng dribbler.
“Gusto ko rinn sabihin kay Mayor, na hindi naman ako mayaman, sinabi ko naman sa kanya noong magharap kami. After na magkausap kami, nagsabi pa ako na nakahanda nga ako gumawa ng libre pa-clinic para sa inyo, sana tinext mo na lang ako, nagsabi lang siya na sige and then nag-sorry naman,” litanya ni Yap.
“Nagsabi rin ako kay PIngris bago pa mangyari ito, na walang ayuda dito sa lugar namin, at hindi naman porke subdivision ay lahat mayaman ang nakatira, marami din mahirap lalo na iyong tricycle driver,” sambit niya.
Ipinaliwanag din ni Yap na sa tagal niya sa paglalaro hindi siya nagmura sa loob ng court o maging sa kapwa player pati sa referees.
“Bro, matagal akong naglaro ng basketball pero hindi ko namura ang isang tao. Pisikal ako maglaro at hindi mo ako maibibilang sa mga namumultahan. May mga technical siguro at flagrant foul pero hindi ako nagmura dahil sa respeto ko sa ibang tao,” dugtong niya.
“Sinabi ko na rin sa kanya na hindi ako nagmumura, ipinapahanap ko nga iyung nagsabi para magharap kami,” sabi niya habang nag-aalala ang mga magulang at pamilya sa Cebu.
“Iyung pamilya ko sa Cebu, apektado rin sila, nagtatanong sila sa akin sa kalagayan ko rito at kung nagawa ko raw ba iyong magmura sa ibang tao. Sana naman ay kinuha ni Mayor din ang side ko, para hindi naman ako napahiya at ang buong pamilya ko rin sa probinsiya namin,” wakas ni Yap. (Lito Oredo)