Yapak ni ‘Robocop’ susundan ni Jeron

abante-tonite-jeron-teng

Gustong sundan ni Jeron Teng ang yapak ng ama sa PBA, lalo ang mga nakolekta nitong championship rings.

Sa pangatlong confe­rence ng kanyang rookie year sa pros, sampa sa Finals ang batang Teng.

Malaking papel ang inaasahang gagampanan niya sa rotation ni coach Alex Compton kapag sinagupa ng Alaska ang Magnolia sa best-of-se­ven series umpisa sa Dec. 5 sa MOA Arena.

Sa pagkakataong makalaro sa finals sa kanyang freshman year lang, malaking accomplishment na sa dating kamador ng De La Salle University sa UAAP.

“Not all rookies get to play in the Finals,” aniya. “And I have an opportunity to win a championship pa.”
Ang tatay niyang si Alvin ang nag-impluwensiya sa kanya para maglaro ng basketball.

“Si dad ko, nanalo siya ng maraming championships. Hopefully, I get the same opportunity sa career ko,” dagdag ng 24-anyos na wingman.

Gusto ba niyang i-share ang advice ng ama?

“Sabi lang niya sa akin, lagi kong sisipagan inside the court,” lahad ni Jeron. “Aside from offense, ‘yung small things such as getting rebounds, boxing out, defending. ‘Yun ang sinasabi niya na malaking bagay lalo sa finals.”
Nakilala si Alvin sa bansag na ‘Robocop’ dahil sa tibay niya sa depensa noong kapanahunan sa PBA. Mula nang magsimula sa San Miguel Beer noong 1986 hanggang isabit ang jersey noong 2002 sa Alaska din, naka-siyam na championships si Alvin. Kasama siya sa grand slam team ng San Miguel noong 1989.