MISMONG kaarawan ni Yasmien Kurdi kamaka­lawa nang pumirma siya ng kontrata sa GMA 7.

Ni-renew ang kontrata niya nang matagal daw. Ayaw nang sabihin ni Yasmien kung ilang taon ang pinirmahan niya.

Basta, matagal daw. Okay lang daw na magtagal siya sa GMA 7 at wala nang alisan.

“Gusto ko, maging respetadong aktres, gaya nina ate LT (Lorna Tolentino), ganu’n,” napapangiting pakli ng 28-anyos na bida ng Sa Piling ni Nanay, na magtatapos ngayong hapon.

Kahit tumanda siya sa pag-aartista, okay lang sa kanya. Gusto raw niyang maging kagaya rin nina Gloria Romero o Anita Linda.

“Hanggang maging lola ako sa showbiz, hin­ding-hindi na ako aalis,” sabi pa nito.

Plano pa rin ni Yasmien na pasukin ang negosyo at napapag-usapan na nila ito ng mga kaibigan niya.

“May mga plans na ang mga friends, sina Rich (Asuncion) na gusto namin mag-business na something to do with beauty, ‘yung mga nakaka-relate din kami.

“Kasi, ‘yun ang work namin ng ganun. Gusto namin ng ganu’n.

“Gusto ko pa pong mag-aral ng make-up at saka culinary. ‘Yung mga gusto ko lang sa buhay, ‘yun ang mga gusto kong gawin,” pahayag ni Yasmien.

Suportado si Yasmien ng pamilya niya, lalo na ang asawa niyang si Rey Soldevilla na abala sa pagiging piloto.

Kaya wala pa silang balak na sundan ang baby nila dahil abala sa trabaho ang asawa, at siya ay naka-focus din sa kanyang showbiz career.

Binabalak din nina Yasmien at Rey na magpakasal sa simbahan.

Simple lang ang kasal nila noon sa huwes, kaya gusto nilang ma-experience ang makasal sa simbahan.

“Ayaw lang namin madaliin, pero may plans po kami, kasi, iba po talaga sa church eh,” pahayag ni Yasmien.

Balak ng GMA na ipasok si Yasmien sa isang series.

Ang duda namin eh sa Encantadia pero hindi pa raw niya alam.

Dating si Mira si Yasmien sa unang Encantadia, at malay natin, baka ibalik siya roon.

“Siyempre, wini-wish ko po na makapasok ako. Pero hindi ko pa po alam, eh.

“Iyun na lang si­guro ang kailangan nilang abangan kung saan nila ako ipapasok,” tugon ni Yasmien.