Sa guesting ni Yasmien Kurdi sa online show namin nina Rodel Fernando at Mildred Bacud sa ‘Showbiz Pamore Tonite’ ng Abante Tonite, napansin namin na pumayat ang aktres.

“Kasi ang nangyari sa ‘Hindi Ko Kayang Iwan Ka’ parang… kung si Thea (pangalan ng role niya sa serye) magkakasakit, kunwari ang script… e wala naman tayong parang… ‘di ba sa Philippine teleserye, hindi naman siya ‘yung parang gagawin natin mga ahead siya ng a year, tapos naka-canned na siya, na puwede kang mag-prepare, na bigyan ninyo ako ng three months para mag-diet and all. So kailangan kong mag-trim down, para kunwari the next week, maysakit si Thea, kaila­ngang lubog ang mata mo rito, kailangang lubog ‘yung pisngi mo rito, ganu’n. So ang hirap, kasi magti-taping pa ako, tapos kailangan kong mag-diet. Nakakanginig kasi, like nagpupuyat ka, tapos kailangan mo ngang mag-diet,” paliwanag niya.

Ano ang mga leksiyon na natutunan niya sa katatapos niyang serye?

“Masasabi ko na ito ang pinaka-favorite kong teleserye sa lahat ng mga teleseryeng ginawa ko. Kasi dito sa ‘Hindi Ko Kayang Iwan Ka’, lalo na sa finale namin, ako mismo napa-wow, gustong-gusto ko siya, sobrang nakaka-proud siya. Kasi ‘yung eksena namin sa dulo, du’n sa ending namin, du’n ipinapakita ‘yung lessons na… alam mo ‘yung kahit may kasalanan sa ‘yo ‘yung isang tao, na dahil sa love, you forgive. ‘Yung forgiveness sa isa’t isa kahit malala pa ‘yung ginawa sa ‘yo, pero you just have to let go, you have to forgive. And then ano pa ba ‘yung mga lessons dito? Ayun nga, you have to survive in spite of all the struggles, mga ganu’n po. At natapos po kaming masaya, lalo na nabuo ‘yung friendship namin dahil sa show, lahat kami naging close,” pakli niya.

Pagbubuntis

Samantala, alam na naman ng lahat na pamilyadong tao na si Yasmien, na may isa na siyang anak, si Ayesha. Ang mister niya ay si Rey Soldevilla Jr., na isang piloto.

Kelan ba nila balak sundan si Ayesha?

“Hopefully, sana next year,” sagot niya

“Pero wine-weigh pa rin namin, kasi 29 pa lang din naman ako nga­yon. So, hindi pa rin naman ako nagmamadali na sundan agad si Ayesha. Sabi ng asawa ko ‘Take your time’, kasi bata rin ako nabuntis. Bata rin ako nag-asawa.”
Anim na taong naging boyfriend ni Yasmien si Rey. At pitong taon na silang kasal. Anong sikreto na tumagal ang kanilang relasyon?

“Siguro ‘yung trust, ‘tsaka communication. ‘Tsaka huwag masyadong seloso, selosa,”
Hindi ba seloso si Rey?

“Hindi naman.”

Actually, ako ‘yung selosa, nu’ng dati selosa ako. Pero na-realize ko, walang kuwenta ‘yung pagiging selosa. Kasi kahit anong duda ko naman sa kanya rati, wala kang nakikita. Napapagod lang ako (sa pagiging selosa). So okey, na-trust ko na ‘to, so hindi ko na kaila­ngang maging selosa,” aniya.

‘Hindi ko naging boyfriend si Rainier’

Bago si Rey, sino ang una niyang naging boyfriend? Naging nobyo ba niya dati si Rainier Castillo? Matatandaang naging ka-loveteam at ka-batch niya ito sa ‘StarStruck (Season 1)’?

“Si Rainier, naging ka-loveteam ko lang siya, hindi ko siya naging boyfriend. First boyfriend ko si Rey. Siya lang talaga. First girlfriend niya rin daw ako.

“Actually, tinatanong ko ‘yung mga friends niya before, kung may mga naging girlfriend na siya bago ako, wala naman daw.”
Hindi ba siya niligawan dati ni Rainier?

“Hindi naman marunong manligaw ‘yun, eh,” natatawang tugon ni Yas.

Nainggit kay Jennylyn?

Si Jennylyn Mercado ay ka-batch niya sa ‘StarStruck (Season 1)’. May balita noon na nai-insecure siya kay Jen dahil mas maraming proyekto ito kesa sa kanya. How true?

“Ay talaga, may ganoong isyu? Old school, huh!” natatawang sagot ni Yasmien

Pero hindi talaga totoo ‘yun?

“Hindi po talaga. Kasi alam ninyo, may mga reasons pala si God kung bakit hindi nangyari ang mga bagay-bagay.

“Very happy ako sa mga outcome, kasi minsan talaga, may mga hindi binibigay sa ‘yo dahil hindi mo deserve o hindi mo pa time. O siguro, dahil may mangyayari na mas maganda.”

Ayon pa kay Yasmien, kaibigan niya si Jennylyn, kaya masaya siya sa magandang nangyayari sa career nito.

“We’re good friends. Super friends kami in person. Wala kaming problema and all. Nagsusuportahan kami sa isa’t isa,” lahad pa niya.
Maganda ang takbo ng career ngayon ni Yasmien, hindi siya nawawalan ng proyekto sa GMA-7. Pero aminado siya na dumating din sa punto na gusto niya nang mag-quit sa showbiz.

“Noong 2010 o 2011, naisip ko nang mag-quit sa showbiz. Na-burned out kasi ako, tapos, nakiki­pag-usap ako with the wrong people. Mali ‘yung mga tao na nakakausap ko, tapos hindi rin ako na-inspire noon (sa kanyang career).”

Nakatrabaho na ni Yasmien ang ilang talents ng ABS-CBN 2, like Angelica Panganiban at Cristine Reyes sa pelikulang ‘Pitong Dalagita’. Given a chance, sino pa ba ang gusto niyang makatrabaho sa mga artista ng Kapamilya network?

“Gusto ko si Coco Martin. Kasi lagi niyang nila-like ‘yung mga post ko (sa kanyang social media accounts),” natatawang sagot ni Yasmien.

Panoorin ang kabuuang interbyu ng ‘Showbiz Pamore Tonite’ sa Abante Tonite Facebook page, Abante News Online Facebook page, Abante Tonite YouTube channel at sa website na tnt.abante.com.ph.