Pumi-Pia Wurtzbach ang beauty ni Yasmien Kurdi sa mediacon ng “Beautiful Justice”.

‘Yung ayos at makeup ni Yas ay very Pia, ­tapos ay ang sexy pa ng black lace dress niya na may pa-see thru, so hindi siya nagpakabog sa younger co-stars niyang sina ­Gabbi Garcia at Bea ­Binene.

Ang payat at ang ganda ni Yasmien, so tinanong tuloy siya kung bakit hindi pa siya ­binubuntis ulit ng mister niyang si Rey Soldevilla.

Sey ng 30-anyos na Kapuso actress, hindi raw siya in a rush na magka-baby ulit. ‘Pag dumating daw at binigay ni Lord ay happy silang mag-asawa.

Wala pa naman daw siya sa age na hindi na puwedeng mag-baby. Maaga lang daw kasi siyang­ nag-asawa at nagkaanak.­

Sey ni Yas, hindi ‘yon nai-schedule pero baka next year daw ay mag-try ulit sila ng hubby niya.

Nang mausisa naman tungkol sa kinikita nilang mag-asawa, ­nabanggit ni Yasmien na hindi isyu ang pera sa kanila ng asawa niyang piloto. Hindi raw sila madamot sa isa’t isa at hindi rin sila nagbibilangan.

Alam nila kung magkano ang kinikita ng isa’t isa, pero wala raw kuwestyon kung magkano man ang kunin niya sa pera nito. Mag-asawa raw sila ni Rey, so kung anong ari-arian nito ay sa kanya ‘yon nang buong-buo at ganu’n din ito sa kanya.

Aniya, mag-asawa sila, so hanggang pagtanda nila ay magtutulungan sila hanggang sa retirement nila.

Wala raw silang ­selosan at walang inggitan. Supportive sila sa career ng isa’t isa at never siyang pinigilan ni Rey na gawin ang anumang role.

Samantala, okey lang kay Yasmien na magkaka-­level silang tatlo nina Gabbi at Bea sa “­Beautiful Justice” dahil kahit magkakaiba raw ang ­karakter nila ay wala silang ­sapawan. Tulungan daw sila rito at girl power, so excited siya dahil kakaiba naman.

For 5 years kasi ay ­laging panghapon ang Kapuso serye ni Yas, ngayon lang ulit siya babalik sa primetime.

Mala-“So­Close” (Hong Kong action film), “Widows” (Hollywood film) at ang classic na “Charlie’s Angels” ang peg ng drama-action series nila pero ‘Pinoy setting.

Bilang PDEA agent ay nag-aral si Yas ng Krav Maga, self-defense at pati paghawak, paggamit at pag-assemble ng baril, so ang dami niya raw ­natutunan.

Sa September 9 ang simula ng “Beautiful J­ustice” sa GMA Telebabad kapalit ng magtatapos na “Sahaya.”

Derrick isang kamay ang gamit sa pagpapaputok

Break na si Derrick Monasterio at ang Fil-Aussie beauty queen na si Kathleen ­Paton na Miss Manila 2018.

Mga one year din daw sila, sabi sa amin ni Derrick­, na ayaw nang pag-usapan ang ex niya dahil tapos na raw ‘yon.

‘Beauty queen killer’ ang tawag namin kay Derrick dahil ang hilig niya sa beauty queens, pero kinontra niya kami dahil isa lang daw ang naging girlfriend niya na beauty queen.

Ang alam namin ay marami siyang pinormahan at nai-date na beauty queen, pero tumawa lang siya.

Wala raw love life ngayon ang hunkylicious na binata, pero may crush daw siyang model.

Check na lang daw namin ang Instagram niya dahil minsan ay may pinu-post daw siya about his model crush.

Nag-date na pala sila nito nang mga 4 times, pero wala pa raw ­nagaganap as in holding hands lang.

Dayalog sa amin ng 24-anyos na Kapuso hunk, masaya ngayon ang career niya, masaya ang bank account niya dahil nakakaipon siya, so okey lang kahit waley siyang sex life.

Hindi raw siya naghahanap at hindi raw ito importante. Basta raw mahal niya, kahit sa kasal na may mangyari sa kanila, okey lang sa kanya.

Hirit sa amin ni ­Derrick, tingin lang daw sa kanya ‘yon na mukha siyang manyakis pero hindi raw siya gano’n.

First time ng ­GabRick tandem nila ni Gabbi Garcia sa bagong Kapuso series­ na “Beautiful Justice.” Ngayon lang niya nakatrabaho si Gabbi at makulit daw pala ito gaya niya.

PDEA agent na boyfriend ni Gabbi ang role ni Derrick, na namatay pero hindi pala.

Aksyon-aksyon ito, kaya nag-aral siya ng gun firing at magaling na raw siyang magpaputok ng baril.

Accurate daw magpaputok si Derrick at kahit isang kamay lang ang gamit niya ay kaya raw niya. Awkward daw kasi ‘pag dalawang kamay… nakakangawit.