Yassi, ginawan ng paraan ang pagkawala sa ‘Sawi’

Yassi Pressman

WEIRD ang pakiramdam ni Bea Alonzo sa u­nang araw ng shooting nila ni Gerald Anderson para sa How To Be Yours ng Star Cinema dahil nagkaroon sila noon ng relasyon.

“Nu’ng una, to be honest, sobrang weird. First day sobrang weird ng feeling kasi but now sobrang komportable sa isa’t isa at sana makita ninyo sa pelikula,” ani Bea sa presscon ng How To Be Yours.

Sinabi naman ni Ge­rald na walang reluctance o hesitation nang tanggapin niya ang project.

“Well, sa part ko. Wala pa yatang twenty minutes ‘yung meeting namin, tinanggap ko agad.

Umoo agad ako.

“Syempre, this is a blessing para sa akin,” ang pahayag ni Gerald tungkol sa first movie team up nila ng ex-girlfriend niya.

Idinagdag ni Bea na matagal nang plano na pagsamahin sila ni Ge­rald sa isang pelikula pero laging hindi natutuloy at siguro, ngayon ang right timing.

***

Si Dan Villegas ang direktor ng How To Be Yours.

Itinanggi ni Dan ang balita na may kumpetisyon sa pagitan nila ng kanyang girlfriend, ang direktor din na si Antoinette Jadaone.

In fact, ayon kay Dan, kritiko nila ni Antoinette ang isa’t isa, kasunod ang pag-amin na mas mahusay na direktor ang girlfriend niya.

***

May movie project na rin si Irene Villamor, ang kaibigan at co-director ni Antoinette Jadaone sa Relaks, It’s Just Pag-Ibig.

Si Irene ang direktor ng Camp Sawi, ang pelikula ng Viva Films na pinagbibidahan nina Yassi Pressman, Kim Molina, Andi Eigenmann, Arci Muñoz at Bela Padilla.

Masuwerte ang paki­ramdam ni Irene dahil siya ang napili na direktor ng Camp Sawi.

Mga sawi sa pag-ibig ang mga karakter sa Camp Sawi ng mga nabanggit na aktres at gaya nila, sawi rin sa pag-ibig si Irene na single pa rin hanggang ngayon.

“Assistant director ako ni Direk Joyce. College pa lang nagka-cutting class na ako para sumali sa kanya.

“Kaya ko siya na-meet, may hinabol ako na crush. College ako, nag-o-OJT ( on the job training ) sa movie niya.

“Dapat may ibang movie ako na pupunta­han. Kaso, ‘yung crush ko, pumasok sa Viva Films.

Crush ko talaga.

“Nakapasok siya sa Kailangan Ko’y Ikaw, ‘yung pelikula nina Robin Padilla at Regine Velasquez.

“Nakapasok du’n ‘yung crush ko, so, hinabol ko siya. Tinawagan ko si Direk Joyce.

“Eh wala akong papers. Salita na lang ni Direk, ‘Pasok ka na, go! Halika dito!”

Nasawi sa pag-ibig si Irene dahil hindi sila nagkatuluyan ng crush niya na teacher na nga­yon sa UP pero magkaibigan sila.

“Friends kami. Alam niya na crush ko siya nang bonggang-bongga,” ang dagdag na kuwento ni Irene.

Kahapon ang last shooting day ng Camp Sawi sa Sampaguita Gardens sa Quezon City pero hindi kumpleto ang main cast dahil wala si Yassi Pressman na pumasok bilang housemate sa Pinoy Big Brother House sa Vietnam.

Yassi Pressman
Yassi Pressman

Ikinuwento ni Irene na ikinagulat nito ang pag-alis ni Yassi dahil nalaman nila ang pagsali sa PBB ng singer-actress, dala­wang araw bago ito pumasok sa bahay ni Kuya.

Dahil si Irene ang sumulat ng kuwento ng Camp Sawi, nagawan niya ng paraan na hindi mapansin ang pagkawala ng karak­ter ni Yassi sa mga eksena na kinunan kahapon sa Sampaguita Gardens.

“Two days before pumasok si Yassi sa PBB, saka ko nalaman. Parang naintindihan ko naman, kasi, confidential ‘yon, eh. Nagulat lang ako pero parang kaya naman.

“Kasi ito, ending na. Madali na lang. Majority ng scenes niya, tapos na,” ang pahayag ni Irene.

***

Kinumpirma ng YES editor in chief na si Jo-anne Maglipon na magkakaroon ng reprint ang Most Beautiful 2016 issue ng nabanggit na entertainment magazine dahil sa mataas na demand.

Sina Maine Mendoza & Alden Richards ang Most Beautiful Stars of 2016 ng YES at noong Lunes (July 11) lamang naganap ang unveiling ng magazine pero nagdesisyon agad ang publisher na mag-reprint ng mga kopya dahil sa dami ng mga bumili.