Pasok na sa kalulunsad na Ang Probinsyano Party-List Youth Arm si award-winning actress Yassi Pressman kaya naman todo ang suporta ng Kapamilya star sa adhikain ng grupo.

Inilunsad kamakailan sa Legazpi City, Albay ang Youth Arm ng Ang Probinsyano Party-List upang hikayatin ang mga kabataang lider na makilahok sa mahahalagang isyu sa bansa lalo na sa mga usaping pangkabataan.

Kabilang sa mga programang tinututukan ng Ang Probinsyano Party-List ay ang pagkakaroon ng open high schools, mas malawak na access sa tertiary education subsidy, at maayos na pagpapatupad ng National Student Loan Program.

Ipinahayag ni Pressman ang suporta sa Ang Probinsyano Party-List katuwang ng paghayag din ng suporta ng kanyang katambalan sa telebisyon na si Coco Martin.