And the plot thickens, and how? Sunod-sunod ang mga pasabog at paandar patungkol sa magandang pagsasamahan nina Arjo Atayde at Maine Mendoza.
Nandiyan ang isang bidyo kung saan bida ang kapatid na lalaki ni Mendoza, may eme tungkol sa isang regalong singsing para sa Philippine Sweetheart.
Hindi binaggit kung kanino ito galing pero kahit kindergarten kid, kayang mag-one plus one equals two, kaya may chance na galing kay Atayde ang alahas.
Ano ang ibig ipahiwatig nito? Friendship singsing ba nila ito? Forever bond? Singsing na ang sinsigaw ay committed na talaga sila sa isa’t isa? Don’t tell me, engagement ring na kaya ito?
Dahil nga here, there and everywhere ang kanilang mga paandar at payanig, hindi na talaga nila pwedeng itanggi na sila ay nasa ever-aftering phase, huh.
Ngayong all is well na kina Atayde at Mendoza, ang kaparehang si Alden Richards, kailan naman kaya natin makikitang may minamahal na talaga?
Kahit ayaw ni Richards, hindi pa rin siya pwedeng mawala sa equation kasi nga naging phenomenal ang tambalan nila ni Maine.
Kung bakit hindi na ganun kainit ang kanilang tambalan, tanging sina Richard at Maine, at siguro ang mga Pulis Pangkalawakan lamang ang tanging may alam.
EDSA celebration sinapawan ng Oscars
Hindi ko maunawaan ang ilang mga hibang na hibang at tulirong-tuliro na walang live feed ang katatapos lamang na Oscars sa Pilipinas.
Para naman talagang ang mga nominadong pelikula ay pinanood nilang lahat, huh! Hahayaan ko na kayo sa inyong trip at kaburgisan.
Ang diva that you love, hanggang walang Filipino film na pasok sa Foreign Film category, dedma na muna ako sa pinakamalaking gabi ng parangal sa Amerika. Hayaan na lang natin sila sa kanilang acting at fashion circus.
Dahil sa Oscars, parang wala na tuloy masyadong public impact ang paggunita sa EDSA celebration. Ang importante sa mas nakakarami, walang pasok, stressed kasi nga walang Oscars feed kaya para-paraan para makasagap sa mga kaganapan para masabing “in.”
May isa pang kaganapan na tiyak ang mga Maricelian, alam na alam, birthday rin kasi ni Diamond Star Maricel Soriano.
Bigla ko tuloy hinanap ang mga feature story ni Arnel Ramos na dati, may tribute piece para kay La Soriano. Si Ramos ay dakilang fan ni Maricel.
Walang mababasang sulat mula kay Arnel kasi nga, nakakalungkot mang ibahagi, bulag na ang kanyang kaliwang mata at ang kanan, sa kasalukuyan aninag na lang ang nababanaag. Under treatment ang mga mata ni Ramos sa kasalukuyan, umaasa na dahil sa kanyang treatments, tulong at dasal, liliwanag muli ang kanyang mga mata.
Hindi ako sigurado kung si Inay Marya, lambing na tawag ni Arnel sa kanyang idolo, ay alam na ang kanyang kalagayan.
Noong hindi pa sinasapit ni Ramos ang kanyang kondisyon, sa isang usapan, inungkat niya sa akin ang mga paborito kong Maricel movies. Alam niyang die in the wool Sharonian ako pero sigurado siya ang natatanging pelikula ni Maricel, pinanood ko.
Ang Diamond Star movies na all time favorites ko ay ang “Saan Darating Ang Umaga?”, “Teen Age Marriage”, “Inagaw Mo Ang Lahat Sa Akin” at “Separada.”
Sa mga pelikulang ito, damang-dama ko ang growth at maturity ni Maricel bilang aktres. Pusong-puso, tagos sa buto at kaluluwa, totoong-totoo ang pagbibigay buhay niya sa mga katauhan ni Shayne, Miriam, Jacinta at Melissa.
Ang mga natatanging katauhan na aking isinulat, wala kang makikitang Maricel Soriano sa kanila. Sinagpang niya ang mga katauhan ito kaya bawat ngiti, iyak, hinampo, galit, trahedya at tagumpay nila, hindi ko makalimutan, lagi kong binabalik-balikan kasi nga sakdal husay para sa akin ang Diamond Star sa pagganap niya sa mga pelikulang ito.
Alam ko na kung walang karamdaman si Arnel Ramos, tiyak mas mainam na pagpapahalaga at papuri ang kanyang isusulat para sa nag-iisang Maricel Soriano. Maligayang kaarawan, Ms. Maricel.