Patay ang isang magkasintahan matapos na pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa kanilang sinasakyang kotse sa loob ng isang subdivision sa Lungsod ng Quezon kamakalawa ng gabi.

Kinilala ng Quezon City Police District ang mga biktimang sina Maria Cris Patricia, 21, at nobyo nitong si Ericson Valdez, 19, ng Remarvilla Subdivision, Novaliches ng nasabing lungsod.

Ayon sa ama ng biktimang si Valdez, napansin na umano niyang nakaparada ang kotse ng kanyang anak ganap na alas-10:00 pasado ng gabi sa harapan ng kanilang bahay, naka-on umano ang makina ng kotse at sarado ang mga tinted na bintana nito.

Sa pag-aakalang nag-uusap lamang ang magkasintahan sa loob ng kotse ay pinabayaan lamang ng amang Valdez ang mga ito ngunit nang lumipas na ang mahigit isang oras ay hindi pa rin bumababa ang mga ito.

Doon na sana niya sisi­tahin ang magkasintahan ngunit nang lapitan niya ang kotse ng anak ay la­king panlulumo na lamang niya nang makitang pawang mga wala nang buhay ang dalawa na parehong may tama ng bala sa kani-kanilang mga ulo.

Agad na humingi ng saklolo ang matandang Valdez ngunit hindi na rin nagawa pang maisugod sa pinakamalapit na pagamutan ang dalawa dahil wala na rin tala­gang buhay ang mga ito.

Sa pagsisiyasat ng Scene Of the Crime Ope­ratives (SOCO) ay nasa anim na basyo mula sa hindi pa nalalamang kalibre ng baril ang na-reco­ver sa lugar.

Ayon naman sa ilang mga residente sa lugar ay may nakita umano silang nasa tatlong nakamotorsiklo sa lugar na mga nakasuot din ng bonnets, ilang sandali pa ay nakarinig na sila ng sunod-sunod na putok na noong una ay hindi pa nila alam kung libintador ba o ano.

Napagalaman na u­nang beses umanong nangyari sa kanilang subdivision ang ganoong insidente na kung tutuusin ay mayayamang mga pamilya ang nakatira sa lugar, ngunit wala naman umanong CCTV na naka-install sa subdivision sa kabila ng may mga monthly dues naman umano silang binabayaran.

Napag-alaman naman na galing sa pagha­hanap ng trabaho ang magkasintahan at pareho na rin umanong dating may mga asawa na.

Wala naman umanong mga record ang mga biktima ng kahit anong kaso sa pulisya.

Sa ngayon ay patuloy pa rin na nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya at inaalam na rin kung sino ang mga nasa likod ng nasabing pagpatay at kung ano ang posibleng motibo nito.