tonite-imo-vinia-vivar

Sobrang nakakaaliw ang kuwento ni Ogie Diaz kung paano niya napaarte si Yen Santos noong nagsisimula pa lang ito at magkasama sila sa seryeng “Mutya.”

Kuwento ni Papa O (tawag kay Ogie) sa blogcon ng pelikulang “Two Love You” na ipino-produce niya na si Yen ang bida, magkapatid ang karakter nila ng aktres sa “Mutya” and there was one time na hindi raw nito maiarte nang tama ang eksena.

“Forty-five minutes, hindi niya maiarte nang tama ang eksena, eh pauwi na kaming lahat,” kuwento ni Ogie.

Kinausap na raw ito ng direktor sa headphone, at sey daw ni Yen, “ano po? Isipin ko po, patay na ang lola ko? Sige po.”

Pero hindi pa rin daw maiyak si Yen. Kinausap daw ito ulit ng direktor at sabi na naman ng aktres, “sige po, isipin ko po, patay na ang Mama ko po?”

Natatawang kuwento ni Ogie, “dumating na sa point na ‘yung Mama na niya ang papatayin ng direktor, tapos, hindi pa rin siya maiyak.”

May background music pa raw na paulit-ulit na tumutugtog na theme song ng “Mutya,” para maiyak lang si Yen, pero talagang wala pa rin.

Ang ending ay siya na raw ang kumausap kay Yen. Pinagmumura raw niya talaga ang aktres.

“Minura-mura ko. ‘Ina ka, hindi ka pala maru­nong umarte, huwag ka na mag-artista!” sabi ko sa kanya, ‘ang layo-layo nito, pauwi na kaming lahat, ikaw na lang hinihintay namin!’ Tapos, ‘tingnan mo ‘yang bata (sa BG music), kanina pa kanta nang kanta, namamaos na!’ sabi ko sa kanya,” kuwento ni Ogie.

Iyak daw nang iyak si Yen sa lahat ng mga sinabi niya at sorry nang sorry.

So, nag-take na. At napakagaling naman daw ng performance ni Yen na parang gripo ang luha. Kahit tapos na ang take ay ayaw pa raw tumigil ng pag-iyak.

“Eh ‘di palakpakan kami lahat sa set. Kaya niyakap ko siya nu’n, ‘o. very good ka pala.’ Mula no’n, tala­gang ako na yata iniisip mo ‘pag iiyak ka,” sey ni Ogie kay Yen na naroroon din.

Ayon naman sa aktres, hindi naman daw siya nasaktan sa mga sinabi ni Ogie sa kanya dahil alam niyang out of concern lang ‘yun.

“Alam ko po na ginagawa niya ‘yun para maiyak na ‘ko. Pero ang nakakatawa, Mama Ogs, nagpapatawa ka, eh, hindi ka naman seryoso no’n, kasi nga po, sinasabi niya na namamaos na ‘yung bata sa radyo, kasi hindi naman po talaga kuma­kanta.

“Pero dahil nga po sa mga sinabi niya, doon ako nakahugot. Kasi hindi po sa akin umepekto ‘yung mamamatay ‘yung kapamilya, eh. After nu’n, hindi ko na siya makalimutan,” sey ni Yen.

Kaya naman bukod sa maganda ang story ng “Two Love You,” tinanggap niya ang pelikula because of Ogie dahil malaki raw ang utang na loob niya rito.

Magsisimula nang i-shoot ang “Two Love You” at bukod kay Yen, bida rin sa movie ang mga komed­yanteng sina Lassy Marquez and MC Calaquian. Kasama rin sina Hashtag Kid Yambao, Dyosa and Arlene Muhlach mula sa direksyon ni Benedict Mique of Cinemalaya’s “ML.”

Hopefully, ani Ogie ay mapasama ang movie sa Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) this year.

Kris tinapos na ang away kay Ipe

Sa kanyang recent Instagram post kahapon, tila nagbigay na ng kanyang huling pananalita si Kris Aquino sa issue nila ng isang senatorial candidate at sa dati niyang karelasyong si Phillip Salvador.

Sa quote card na ipinost niya ay nakasaad na “there is dignity in silence” at sa caption, she stressed out na hindi siya ang nambastos at nanggamit.

“Hindi kami ang nambastos. Hindi ako ang nanggamit. Hindi ako ang naging iresponsableng magulang. Higit sa lahat, napalaki ko ang aking mga anak na alam nila, THEIR NEEDS COME FIRST…

“Hindi ako kandidato ngayon, at hindi ko ina-ambisyon ang 2022…

“Hangarin ko lang na mabigyan si kuya at si bunso ng mapayapang ngayon at maayos na kinabukasan.
“Sila man ang nagumpisa, wala akong choice, ako lang ang pwedeng tumapos nito. Because in this instance, PEACE for the 3 of us is what our hearts need most,” ang kabuuan ng caption ni Kris.
Tila tinatapos na rin niya ang issue dahil sa dulo ng caption niya ay nilagyan niya ng hashtag “closure.”

Matatandaang nagalit si Kris kina dating Special Assistant to the President at kay Kuya Ipe dahil nakaladkad ang pangalan niya sa campaign sortie ng una at sinabihang naloko siya ng ama ni Joshua (her eldest son).

Humingi na ng dispensa ang senatoriable at nailabas na rin niya ang galit niya kay Kuya Ipe kaya marahil ay ok na siya nga­yon and time to move on.