Handang-handa na ang gobyerno sa ilalargang ikalawang yugto ng plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL) sa ilang lugar sa North Cotabato at Lanao del Norte sa Pebrero 6 kung saan lumilitaw na angat ang ‘yes’ vote.
“Maganda po ang prepasyon dahil nakikita natin na nagkakaisa even ang magkakalaban sa pulitika to support the “yes” vote sa plebisito,” ani Presidential Adviser on the Peace Process secretary Carlito Galvez.
Ayon kay Galvez, maayos ang pagtanggap ng mga taga-Lanao del Norte sa BOL at umaasa silang mananaig ang “yes” vote.
Sinabi pa nito na aktibo ang gobyerno sa isinusulong na information and education program sa mga barangay captain at mga alkalde para maintindihan ang layunin ng plebisito sa BOL.
Kasabay nito tiniyak ni Galvez na hindi na mauulit ang mga naganap na minor incident sa unang plebisito noong Enero 21, kung saan nagkaroon umano ng mga flying voter, pananakoy at paninira ng mga balota.