Rumesbak sina Ynez Veneracion at Joel Cruz sa negosyanteng si Kathelyn Dupaya. Kakasuhan din nila ito ng libel dahil umano sa mga paninirang puri rin na ginawa nito sa kanila.
Hindi nakadalo sa ginanap na joint presscon kahapon si Joel dahil kasalukuyan pa itong nasa Los Angeles at ang abogado niyang sina Atty. Topacio at Atty. Jasmin Sy ang humarap sa entertainment press. Pero nagsalita rin ang tinaguriang Lord of Perfume sa pamamagitan ng live phone patch.
Ayon kay Atty. Jasmin Sy, magsasampa sila ng kasong libelo dahil sa ginawang paninira ni Dupaya sa Afficionado perfume nila na diumano’y expired na raw ang mga produkto at hindi sila nagbabayad sa BIR.
Ipinakita ng mga legal counsel ang mga ebidensiya ng transaksyon nila kay Dupaya na nagpapatunay na ang ibinigay nilang mga produkto sa negosyante na nagkakahalaga ng mahigit kalahating milyon ay may expiration date na 1 year and 2 months.
Hindi rin daw totoong hindi sila nagbabayad ng buwis dahil kumpleto ang kanilang dokumento na magpapatunay na malinis ang record nila sa BIR.
Ayon naman kay Joel via live phone patch, pawang kasinungalingan daw ang mga sinabi ni Dupaya.
“Nakakakilabot talaga na panay kasinungalingan ang lumalabas sa bibig ni Kathelyn Dupaya. Na kung ano-anong accusation ang ibinibigay niya ngayon samantalang sana, unang-unang sagutin niya, kung ano nangyari sa pera namin na in-invest sa kanya, lalong-lalo na sa 40 million pesos na na-scam na pera ko,” ani Joel.
Nakatakdang mag-file ng kasong libelo si Joel next week against Dupaya. Isang team daw silang magsasampa ng kaso kabilang na rin si Ynez dahil sa mga paninirang puri at pagmumura raw ng negosyante sa kanya.
“Magpa-file po ako ng cybercrime and libel po,” pahayag ni Ynez. “Kasi po, pina-print out ko po lahat ng pagmumura niya sa akin, nandiyan po lahat ‘yun.”
Hindi rin napigilan ni Ynez na maging emosyonal dahil pati anak daw niya ay idinamay ni Dupaya.
Sa ngayon ay hindi pa masabi ni Atty. Topacio kung magkano ang moral damages na hihingin nila kay Dupaya at ide-determine muna raw nila pero aniya, baka raw more or less ay nasa P20 million ang halaga ng kasong isasampa nila.
***
Yeng, Moira magsasalpukan sa MOR Pinoy Music Awards
MOR 101.9 pa rin ang most-listened-to station sa Mega Manila at kasama ang iba pang 16 MOR stations nationwide, handa na itong maghandog ng mas pinalakas at mas pinalaking FM radio station sa paglulunsad ng MOR Philippines.
Sa ilalim ng MOR Philippines, magsasanib-puwersa ang 17 MOR stations para maghatid sa mga tagapakinig sa Luzon, Visayas, at Mindanao ng iisang tunog at iisang vibe.
Bukod sa paghahatid ng de-kalidad na entertainment sa radyo, sinusulong din ng MOR ang original Pinoy music o OPM at binibigyang pugay ang mga Filipino artist at songwriter sa pamamagitan ng taunang MOR Pinoy Music Awards.
Para sa taong ito, ang mga nominado para sa Song of the Year ay ang ‘Titibo Tibo’ ni Moira Dela Torre, ‘Demonyo’ ni JK Labajo, ‘Sampu’ ni Jona, at ang ‘Shanawa’ ni Maymay Entrata.
Nominado naman sina Maymay, Moira, Alexa Ilacad, at Yeng Constantino para sa Female Artist of the Year, habang nominado naman para sa Male Artist of the Year sina JK, Iñigo Pascual, Christian Bautista, at Noven Belleza.
Maglalaban-laban naman para sa Album of the Year ang Rivermaya (‘Sa Kabila ng Lahat’), sina Gloc 9 (‘Rotonda’), Jona (‘Jona’) at JK Labajo (‘JKL’).
Para naman sa Best Collaboration of the Year, nominado sina Elisse Joson at Mccoy De Leon, Gracenote at si Chito Miranda, at si Jona kasama ang Boyband PH.
Nominado rin ang awiting ‘Opposites Attract’ ng McLisse para sa OPM Revival of the Year category, kung saan makakabangga nila ang ‘Sundo’ ng Moira Dela Torre, ‘Beautiful Girl’ ng JK Labajo, at ‘Why Can’t It Be’ ni Kaye Cal.
Samantala, nakuha naman ng BoybandPH ang ikalawa nitong nominasyon para sa LSS Hit of the Year category para sa kanilang awiting ‘Boyfriend’. Makakalaban nila rito sina TJ Monterde para sa ‘Tulad Mo’, Noven Belleza para sa ‘Tumahan Ka Na’, at Kim Chiu para sa ‘Okay Na Ako’.
Magtatagisan naman para sa Regional Song of the Year ang ‘Cebuana’ ni Karencitta, ‘Waray Love Bisaya’ ni Polzkee at Ai, ‘Yayay’ ng Piyaok Band, at ‘Dvoena’ ni Pao Lofranco. Maglalaban naman sina Kisses Delavin, Maris Racal, Tony Labrusca, at Noven Belleza para sa Best New Artist.
Hindi rin pahuhuli ang musical acts na sumikat online gaya ng Agsunta, Karencitta, Ex-Batallion, at Ben&Ben na nominado para sa Digital Artist of the Year category.
Magaganap ang MOR Pinoy Music Awards 2018 sa Hulyo 21 sa Araneta Coliseum. Abangan ang Facebook page ng MOR para sa malaman kung paano makakuha ng tickets sa #MORPMA2018.