Sobra ang kagalakan ni Ynez Veneracion sa magandang feedback sa kanyang performance sa tinampukang MMK episode. Ito ang tinuran ng aktres nang maging panauhin namin sila ng comedian/singer na si Mojack Perez sa online show ng Abante Tonite na Tambayan ng Tsika, kasama sina katotong Alwyn Ignacio at Beth Gelena.

Ayon sa aktres, hindi raw niya akalain na ganoon ang makukuhang feedback sa huling paglabas ng MMK. “Kasi usually, bihira akong magkaroon ng mga roles na ganoon especially sa MMK. Dati kasi… well, palagi naman akong nanay pero medyo ‘yung weight kasi ng mga roles na nakukuha ko parang alam mo ‘yun… natural na nanay lang, nandyan nagliligpit ng ano, ‘yung wala masyadong weight ‘yung role, as in nanay ka lang.

“Pero eto kasi, iba, sa amin umikot yung story, sa akin at sa anak ko. Si Loisa Andalio, tapos syempre ang magaling na aktres na si Gina Pareño. Siya yung nanay ko naman. O ‘di ba? Magkaroon ka ng nanay na Gina, ibang level! E ang Loisa, magaling din, magaling na bata,” saad ni Ynez.

Kaya nang nabasa raw niya ang script ay nagandahan siya at talagang pinaghandaan ito. “So ang ginawa ko, humingi ako ng advice sa aking mentor na si Ms. Sylvia Sanchez. Kasi ‘pag nahuli ka patay ka. Sabi ko nga naku po ‘yung mga eksena kailangan talagang ramdamin mo, kasi pag hindi malalamon ka ng hindi mo alam, maiiwan ka. Parang ganoon, kaya sabi ko, hindi ka naman nila lalamunin, I mean hindi ka nila lalamunin ng sadyang lalamunin ka nila… Actually like Gina Pareño, mapagbigay ‘yan, nagbibigay ‘yan.

“Si Sylvia, nagbibigay ‘yan. Pag eksena mo, eksena mo. Hahayaan ka niyan. Ang ibig ko lang pong sabihin doon sa malalamon ka ng hindi mo alam, kasi since hindi ka ma­galing at lumalaban, hindi mo alam na nalalamon ka na nila, naiiwan ka na nila. Parang ganoon.

“Tapos siyempre ‘yung bawat eksena iisipin mo kung paanong atake ang gagawin mo. Like ‘pag galit ka, sabi nga ni Ate Sylvia, ‘Hindi na uso ngayon ‘yung sigaw ka nang sigaw ha. Dapat eto, dapat ganyan. Diin, puso, isip.’ So noong nandoon ako sa set, si Ate Sylvia ang naiisip ko. Puso, isip, puso, isip…. Mukha akong sira-ulo, lakad ako nang lakad… lalo na kapag mabigat na ‘yung eksena. Talagang pinapasok ko talaga ‘yung sa­rili ko.”

Nganga sa kaso ni Dupaya

Sa segment naman na may photos na ipinakita, na ang businesswoman na si Cathy Dupaya ang tumambad sa kanya, ito ang naging reaction ni Ynez: “Nasaan na, bakit picture lang?’ pabirong saad ng aktres.

Dagdag niya nang usisain pa, “Magbagong buhay na tayo lahat. ‘Di ba kung ang Diyos naman nakakapagpatawad… pero sana lahat ng pagkakama­ling nagawa, sana pag-isipan nating mabuti tapos ituwid natin ngayon, ‘di ba? Habang may buhay, may pag-asa.”

May kaso na ba? “Naku, nagsampa ako sa NBI, cyber libel­ hanggang ngayon nganga. Okay lang, siguro may dahilan sila kung bakit mabagal. Pero ‘yung iba nga, eto nga lang mayroong na cyber libel, labas agad eh, huli agad eh. Tapos may isa pa si Joel Cruz, o ‘di ba libel din ‘yun? Arrested din agad eh, kaya sabi ko, ang galing nila, ‘no.”

Ano bang klaseng nanay si Ynez? “Noong hindi pa ako nabubuntis, hindi pa ako nanganganak, actually­ siyempre clueless ako. Hindi ko alam kung paano maging isang ina. Ang daming nagsasabi sa akin na ang sarap, ang sarap ng feeling, basta iba. Tapos sabi nila, talagang parang kompleto na ‘yung pagka­babae mo kapag nagkaanak ka na.

“So hindi ako maka-relate kasi siyem­pre wala pa siya. Sabi ko, ‘Paano ba, ano ‘yung pagmamahal?­ Para bang pagmamahal na na-inlove ka sa lalaki? Ganoon ba?’ Pero hindi. Noong lumabas siya, sabi ko iba, ibang-iba ‘yung pakiramdam. Iba ta­laga, sabi ko hindi ito yung na-inlove ka lang na, hindi iba ito, iba ‘yung level ng pagmamahal niya. So roon, ko na-discover ‘yung sa­rili ko na ako pala ay isang mapagmahal na ina, mapag-alagang ina.

“Actually sa sobrang pagmamahal ko nga sa anak ko, naging spoiler na ako eh. Ang daming nagsasabi sa akin na, ‘Nez wag, dapat balance kasi baka mamaya mahirapan ka pag lumaki.’ Although pinipilit ko, kaya lang sabi ko ang hirap eh, kasi since hindi ko na-enjoy yung childhood ko before, kumbaga ay sa kanya ko lahat ibi­nibigay ngayon,” esplika pa ni Ynez.

Umekstra sa pelikula ni FPJ

Nag-start si Ynez sa showbiz bilang extra dahil bata pa lang daw ay dream na niyang maging artis­ta. “Siguro 7 or 8 years old pa lang ako, gusto ko na talaga mag-artista. Tapos sabi ko, bit roles lang gusto ko, parang hindi ko naman inisip talaga na magbida. Tatlong taon yata akong naging talent, nag-extra-extra ako, ‘yung mga luma­lakad lang sa likod ni FPJ… ‘yung movie ni Ian Veneracion, nag-extra rin ako roon. Ang suweldo ko P50 kada pelikula. Daily naman ‘yun, pero siyempre, buong araw, P50, nandoon ka.

“Tapos noong naging bida na ako – dinala ako sa Regal, nagkaroon ako ng 3 pictures. Sabi ko, ‘Wow, hindi na P50 ang suweldo ko, P60k na!’ First movie ko bida na ako agad. Ang title, Babae sa Dalampasigan, Regal ‘yon. Ang leading man ko si Toffee Calma,” nakangiting kuwento pa ni Ynez.