Idinemanda ni Ynez Veneracion ng kasong syndicated estafa ang Brunei-based Filipino businesswoman na si Kathelyn Dupaya. Katuwang ni Ynez sa nagsampa ay ang nagngangalang si Susan Ortega.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, abogado ng mga nagreklamo laban kay Kathelyn, hindi lang si Kathelyn ang inireklamo, pati na rin ang asawa niyang si Mariano Dupaya, Sunnix Lahoylahoy, Mastika Nooryati Binti Haji Lakim, Rhea Viernes, Rhayann Pasiola, Marjori Bandi, at isang alyas “Flor” at “Alex” sa Parañaque Prosecutor’s Office.
Ayon kina Ynez at Susan, dahil sa mga kuwento at pang-eengganyo umano ni Kathelyn at ng kanyang mga ipinakilalang mga empleyado at kasamahan sa kanyang business na isa siyang bigtime na businesswoman at maraming ari-arian, nag-invest sila ng malaking halaga sa MK Group of Companies na pag-aari ni Dupaya. May pangako rin umano na magbibigay ng mataas na interest (5-6% weekly/monthly).
Sa una ay natupad naman ni Kathelyn na ibigay ang napag-usapang mga monthly profits o interest nila Susan at Ynez, pero hindi nagtagal, hindi rin niya natupad umano ang kanyang mga pangako na ibigay ang mga naturang weekly/monthly na interest, pati na rin ang kabuuan ng investment capital ni Susan.
Ilang beses nilang pinipilit si Kathelyn na bayaran ang kanyang mga nasabing obligasyon subalit paulit-ulit lang siyang nagbibigay ng kung ano-anong mga dahilan kung bakit hindi niya matupad ang kanyang mga pangakong magbayad hanggang sa tuluyan na nga siyang hindi umano nagbayad.
Matatandaan na si Kathelyn Dupaya ay kinasuhan din ng estafa case ni Joel Cruz, ang tinaguriang “The Lord of Scents.”
Samantala, hindi nakarating si Joel sa ipinaimbita ni Atty. Ferdie na tsikahan sa movie press. Ipinakilala ni Atty. Topacio ang kanyang pamangkin na si Giuliene Ronquillo na papasok na rin sa showbiz.
At para fair, bukas ang aming pitak para sa panig ni Ms. Kathelyn at mga sangkot sa demandahang ito para sa ikalilinaw ng isyu.