Yosi, nakakabulag?

julius-segovia

Pabata nang pabata ang mga naninigarilyo. Sa datos ng Global Youth Tobacco Survey noong 2015, 12% ng mga estudyanteng may edad 13 hanggang 15 ang nag­yoyosi na. Tatlo sa sumpung Pinoy adults naman ang smokers.

Hindi lingid sa kaa­laman ng marami ang masamang dulot ng pag­yoyosi sa katawan. Kaya importanteng bawasan o ‘di kaya’y tuluyan na itong iwasan.

Sisirain ng yosi ang respiratory system ng isang tao. Kabilang sa mga sakit na may kaugnayan dito ang emphysema, bronchitis at asthma.

Ayon sa mga pag-aaral, nakapagdudulot din ng cancer sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang paninigarilyo.

Nakaaapekto rin ito sa reproductive system ng isang tao. Ang mga lalaki at babaeng nag­yoyosi ay maaaring mahirapang makabuo ng bata. Malaki rin ang posibilidad na maapektuhan ang kalusugan ng bata kapag ang kanyang ina ay naninigarilyo habang siya’y nasa sinapupunan nito.

Sa pinakahuling pag-aaral sa Amerika at Brazil, nadiskubreng may masamang epekto rin sa panginin ng isang tao ang paghithit nang mahigit dalawampung yosi kada araw.

Mga tobacco addict na nasa pagitan ng edad 25 hanggang 45 ang participants sa pag-aaral. Lahat sila, nakitaan ng problema sa vision at color perception.

Nahihirapan silang kilalanin ang mga kulay. Worst scenario, mabulag ang isang tao na walang ti­gil sa paninigarilyo.

Sabi ng mga dalubhasa, may kaugnayan daw ito sa neurotoxic chemicals na sangkap ng yosi.
Ang sa akin lang – bilang nakatatanda, mahalaga ring pigilan natin ang kabataang su­bukan ang pagyoyosi.

Mahirap pag nahu­maling na sila sa paghithit nito.

Tamang edukasyon at suporta sa mga yosi addict ang pinakamaganda na­ting magagawa.