Young actor, nagka­serye na at may pelikula pa… pero panay-panay ang simangot!
Bakit?

Dahil kaya sa nangyayari sa career niya na spaghetting pababa?
O kinarma si kuya dahil itinatwa niya ang kanyang syota?

Isa si young actor sa mga maswerteng baguhan noon na naisama agad-agad sa isang bonggang teleserye.

Nang natapos iyun ay hindi siya nabakante. Have agad siya ng follow-up project at nakailang pelikula.

Dumami ang datung ni kuya dahil may out of town shows pa siya.
Pogilicious at masyongkad si young actor kaya pansinin ng madlang pipol.

Pero kasabihan sa showbiz, hindi ka la­ging nasa itaas. Ang iyong ningning ay unti-unti ring kukupas.

Ramdam tuloy ng mga kasamahan ni young na naapektuhan ito sa pagkulimlim ng bituin.

Sa guesting ni kuya kamakailan ay naka­lamukos ang mukha niya at salat siya sa potential & kinetic energy.

Hindi man lang bumati si kuya sa mga utaw. Dire-diretso siyang nagpa-make up.
Habang minamasil­ya ang fezlak niya, wah siyang imik. Puro buntong-hininga lang.

Celfon ang kanyang kinakalantari. Matapos magbihis mag-isa ay yumuko ulit.

Isang maha­derang bading ang hindi nakatiis. Kinausap ni Maja (mas in mahadera) si young actor.

Tinayuan ni kuya si bading.
Nagbulungan ang mga chizmosa…

Maya-maya pa, dumating ang dating ka-loveteam ni kuya na kasama ang bagong ka-partner nito na umaarangkada ang career.

Pakiwari ng mga dalahirang beki, naiinggit si young actor at iniisip kung saan pupulutin ang lumalamlam niyang career.

***

BAGONG-BAGO PA lang sa industriya pero FEELING sikat na ang isang member ng all boys group na sumi-sing at duma-danz.

Dahil ba nabibigyan na siya ng pansin ng isang TV station ay kailangan na niyang mag-inarte?

Tinalo pa niya sina Daniel Padilla, James Reid, Enrique Gil at Alden Richards.

Marami pa siyang lalafanging bigas bago siya lumevel sa 4 na nangungunang young actor ng lupang hinirang.

Sa isang affair na kasama ang isang bilat na DA HUt, umi-emote agad sa kaartehan si kuya.
Umpisa na ng make-up-an… sinipat-sipat niya kung kilala niya o ng taga-showbiz si make-up artist.

Inusisa ni kuya ang make-up artist kung sinu-sino ang inaayusan nito.

Pati brand ng make-up, sinilip ni kuya ang tatak, sabay tanong kung imported at saan binili ang ipapahid sa pagmumukha niya. Si make-up artist, halatang napipika na.

Ang mga nakapalibot na utaw ang sumagot sa mayabang na boylet.
May chumika pa, “Hoy! Hindi mo kilala ‘yan?! Magaling ‘yan at mabait at halos lahat ng sikat na mga artista, na make-up-an na niya! Ikaw lang ang wah name!”

Sumabat pa ang isang stylist, “Hindi ka pa ganu’n kasikat, umeepal ka na! Hindi naman ikaw ang magbabayad!”

Napayuko si feeling sikat at hindi na kumibo.