No, thanks!
Cristy Fermin
Akala ng mga tumututok nu’n sa relasyon ng isang young actor at ng isang young actress ay kuwento-kuwento lang ang mga isyung lumalabas tungkol sa hindi parehas nilang relasyon.
Lumabas na nu’n ang kuwento tungkol sa pagtatago ng young actor kapag sorpresang bumibisita sa kanyang bahay ang girlfriend nito. Kunwari’y wala ito sa bahay, may inasikaso raw na kung ano, pero ang totoo ay nandu’n lang naman ang young actor.
Kuwento ng aming source, “Magluluto ng paborito niyang food ang girl, dadalhin sa house niya, pero wala naman sa house ang boyfriend niya. Walang choice ang girl kundi ang iwanan na lang sa mga kasambahay ng lalaki ang dala niyang food.
“Tine-text niya ang guy, pero hindi naman sumasagot. Ang palaging excuse ng young actor, e, nagba-basketball daw kasi siya, biglaan silang nagkayayaan ng mga kaibigan niya, kaya hindi siya makasagot sa girl.
“Pero ang totoo, e, nasa bahay lang naman siya, meron na siyang utos sa mga kasama niya sa bahay na huwag paakyatin sa kuwarto niya ang girl, ganu’n!” kuwento ng impormante.
Nakakaawa pala ang pamosong young actress kung ganu’n. pinagtataguan siya ng guy, ayaw siyang makaharap, madaling magsawa sa karelasyon ang young actor.
“Alam n’yo ba kung paano nagising sa katotohanan ang girl? ‘Yung dating maid ng young actor, e, umalis, nagpaalam na uuwi na raw sa probinsiya.
“Pero ang totoo, lumipat lang ng pagseserbisyuhan ang maid, sa isang artista rin, du’n na lumabas ang totoong kuwento kung paano pinagtataguan ng young actor ang girlfriend niya.
“Humahagulgol ang girl nu’ng malaman niya ang kuwento, halos murahin na niya ang lalaking minahal niya nang sobra pa sa sarili niya. Nagdesisyon ang girl, nakipagkalas siya, ang ipinalit sa kanya ng young actor, e, bestfriend pa niya!” napapailing na pagtatapos ng aming source.
Bong anim na taong winasak
Apat na taon at kalahati ang tiniis na sakripisyo ni dating Senador Bong Revilla sa pagkakakulong sa PNP Custodial Center. Apat na taon at kalahating nawalan ng saysay.
Napakarami pa niyang dapat nagawa sa loob nang mahabang panahong ‘yun na kailanman ay hindi na maibabalik pa ngayon. Nakalaya man siya, nilinis man ang kanyang pangalan sa bintang na plunder, ang nasayang na panahon niya sa kulungan ay hindi na niya mahahabol pa.
At hindi lang naman mahigit na apat na taon ang ipinadusa ng aktor-pulitiko at ng kanyang pamilya. Bago pa siya tuluyang ikinulong nu’ng June 2014 ay araw-araw nang tinitilad ng mga nagpakulong sa kanya ang imahe niya sa loob nang mahigit na isang taon.
Pahayag ng kalalaya lang na senador sa kanyang panayam sa radyo, “Napakahaba ng nasayang na panahon sa buhay ko. Maibabalik pa ba nila ‘yun? Naglakihan ang mga apo ko nang hindi ko namamalayan.
“Maraming mahahalagang okasyon ang hindi namin pinagsaluhan ng pamilya ko.
Nakapagpapaalam lang ako kapag nakaospital ang daddy ko. Halos anim na taon kaming nagdusa ng pamilya ko dahil bago pa ako ipinakulong, araw-araw na nilang winawasak ang pangalan ko.
“Ngayong napatunayan ng Sandiganbayan na wala akong pagkakasala, ngayong not guilty ang verdict na tinanggap ko, paano na ang halos anim na taong ipinagdusa ko at ng pamilya ko? Maibabalik pa ba nila ‘yun?
“Napakasakit ng pinagdaanan ko. Huwag sanang mangyari sa kanila ang ipinatikim nila sa akin dahil du’n nila maiisip na napakasakit na magdusa ka nang mahabang panahon nang wala ka namang kasalanan!
“At muli, pinaninindigan ko na wala akong kasalanan! Hindi ako nagnakaw! Wala kong ninakaw na tulad ng ibinibintang nila sa akin!” emosyonal na pahayag ni Senador Bong Revilla.
Ikinuwento rin ng aktor-pulitiko na hindi matutumbasan nang kahit magkano ang kaligayahan ng kanyang ama nang umuwi na sila sa Bacoor. Nakapagsimba silang mag-anak pero ang pagdalaw sa puntod ni Mommy Azucena ay nu’ng Sabado lang nila nagawa.