
WALANG isang salita. Ganu’n kung ilarawan ng kampo ng isang young actor ang nakahiwalay niyang karelasyon dahil sa pagbaligtad nito.
Malabo na ngang magkabalikan pa sila dahil sa sobrang sama ng loob ng male personality sa babaeng ipinaglaban niya.
Kuwento ng aming source, “Sobrang sama ng loob nu’ng lalaki sa ex niya.
Imagine, iniwan siyang bigla sa ere? Saan ba nanggagaling ang mga kuwento tungkol sa hindi nila pagkakasundo ng mommy niya?
“Sa ibang tao ba? Ang girl ang sumbong nang sumbong sa guy na ginagawang pagmamaltrato sa kanya ng mommy niya. Natural, awang-awa naman ang young actor sa girlfriend niya, pinagpapayuhan, ipinaglalaban.
“Pero ano ang nangyari? Siya pa ang pinalabas na masama ng girl, siya ang napuruhan, siya ang napahiya sa publiko dahil nagkabaligtaran na nga!” simulang kuwento ng aming source.
Sinisiraan nang husto ng girl ang kanyang ina, ikinukuwento nito sa kanyang boyfriend ang lahat-lahat, pero anyare?
“Sino naman kasi ang hindi sasama ang loob sa ginawa ng girl? Naging kakampi niya sa laban ang boyfriend niya, naging balikat niyang iyakan, tapos, ang nagsanib-puwersa pa ngayon, e, ang magnanay?
“Kuda nang kuda ang mommy niya, pero hindi man lang niya maipagtanggol ang lalaking napakatagal na panahong nagmahal at nagtiwala sa kanya?
“Hindi na ‘yun magkakabalikan. Tanggap na nu’ng young actor na walang isang salita ang babaeng minahal at ipinagtanggol niya. Pinalala nila ang kuwento, ang lalaki na ang pinakamasamang boyfriend sa buong mundo, napaka-unfair naman nu’n sa guy!
“Magsama na lang sila ng mommy niya ngayon, magkampihan na lang sila hanggang gusto nila, wala nang pakialam ang young actor sa buhay nila!” napakadiing pagtatapos ng aming impormante.
***
Bimby wala sa kalingkingan ang nakitang ‘unos’ ni Kris
DOSE-anyos si Kris Aquino nang makita niya ang mga litrato ng kanyang duguang ama na nakahandusay sa tarmac. Pinatapang siya ng naturang karanasan.
Halos hindi pa siya umaangat sa lupa ay magkakasama na ang buong pamilya sa pagdalaw sa Fort Bonifacio sa nakapiit niyang amang si dating Senador Ninoy Aquino.
Sa isang panayam ay tinanong ang politiko kung bakit may drum ng tubig na palaging nakahanda sa tabi ng kanyang kulungan. Si Kris ang dahilang ibinigay ng kanyang ama.
“May maliit akong anak na palaging naliligo sa pawis kapag dumadalaw dito ang pamilya ko. Basang-basa ang buong katawan niya. Init na init siya.
“Para maibsan ang init, inilulubog namin siya sa drum. Nandu’n siya habang nagkukuwentuhan ang buong pamilya. Ipinakiusap ko pa ang paglalagay diyan ng drum para sa bunso ko,” sagot ni dating Senador Ninoy Aquino sa tanong.
Batambata pa lang si Kris ay maraming unos na ang kanyang hinarap. Ang paghuli-pagkukulong sa kanyang ama. Ang pagpapalaki sa kanilang magkakapatid ni Tita Cory nang mag-isa lang.
Pero ‘yun ang mga karanasang nagbigkis sa kanilang magkakapatid. Isa laban sa lahat. Saktan mo ang isa sa kanila at parang pinadugo mo na rin ang puso nilang magkakapatid.
Sa pagsasampa ng kaso ni Kris sa mga taong sa kanyang paniniwala ay nangyuyurak na sa kanyang pagkatao ay palagi niyang kasama si Bimby. Magkahawak-kamay ang mag-ina sa mga hinaharap nilang laban.
Matalino si Bimby, alam nito ang mga nagaganap sa buhay ng kanyang ina, ang binatilyo mismo ang may gustong sumama kay Kris sa kanyang mga galaw.
Walang-wala ang mga nakikita ngayon ni Bimby sa masasakit na karanasan na sa batang edad ay naengkuwentro na ni Kris.