SANA nga ay maagang lumawak ang isip ng isang magandang young actress na kilalang-kilala sa pagiging sobrang selosa at insekurida.
Sa loob at labas ng istasyong pinagseserbiyuhan niya ay kalat na kalat ang kuwentong wala siyang pinipiling panahon sa pagpapalutang ng kanyang pagseselos.
Kuwento ng isang source, “Ano kaya ang problema ng batang ‘yun? Maganda naman siya, pero bakit matindi ang insecurity niya? Wala siyang tiwala sa sarili niya!
“Kahit nu’ng sila pa ng isang young actor, e, ganyan na siya, talagang inaaway niya ‘yung guy sa harap ng mga katrabaho nila!
“At walang ibang reason ‘yun kundi selos lang! Kapag hindi niya binago ang kakitiran ng utak niya, e, walang tatagal na lalaki sa kanya!” unang reaksiyon ng aming impormante.
May bago siyang karelasyon, isang kilalang young actor din na mukhang nabubulabog na rin ang buhay ngayon dahil sa young actress, selos lang din ang dahilan.
Patuloy ng aming source, “May pinag-uugatan ang ganu’ng ugali, e. Hindi ‘yun basta ginagawa lang, may mas malalim na problema ang batang ‘yun kaya siya ganyan!
“Di nga ba, hindi boto sa kanya ang family ng bagong boyfriend niya? Sino ba naman kasi ang magkakagusto sa ganu’ng klase ng babae?
“Basta na lang magseselos kahit wala namang dahilan? Masyado siyang dudera, kaya huwag na siyang magulat kapag hiniwalayan siya ng young actor na karelasyon niya ngayon!
“Hindi maganda ang ganu’n. Sign of love ang pagseselos, pero kapag sobra-sobra na, e, lason na ang tawag du’n! Magbago na sana siya, ang ganda pa naman niya, sa totoo lang!” pagtatapos ng aming source.
Mismo!
Willie mag-isang nagpalipad ng chopper
NAPAKASAYA ni Willie Revillame nang makausap namin nu’ng isang umaga. Ibinalita sa amin ng host ng Wowowin na hawak na niya ang kanyang lisensiya sa pagpapalipad ng helicopter.
Wala na siyang katabi sa pagpapalipad ng chopper, mag-isa na lang siya, bukod sa pagho-host ng kanyang matagumpay na game show ay himpapawid ang pinagkakaabalahan niya ngayon.
“Natagalan ang pag-aaral ko dahil hindi regular ang schedule ko. Kapag walang taping, saka lang ako nakapapasok sa flying school.
“Pero hawak ko na ang license ko, natapos ko rin, ibang-iba ang pakiramdam kapag nasa ere ka, tahimik!” kuwento ni Willie.
At mas magiging maligaya ang kanyang mga tagasuporta dahil sa pagpasok ng 2020 ay anim na araw nang mapapanood ang kanyang programa.
Mula Lunes hanggang Biyernres ay mapapanood ang Wowowin nang alas singko nang hapon, tuwing Sabado naman ay mapapanood ang game show nang alas siyete nang gabi, anim na araw na niyang mapapasaya ang ating mga kababayan sa pamimigay niya ng mga papremyo.
“Alam mo naman kung saan ako humuhugot ng happiness. ‘Yung talagang masayang-masaya ako. Makita ko lang ang mga contestants namin na lumulundag sa sobrang tuwa dahil nanalo sila, ‘yun ang pure happiness para sa akin!
“Dala-dala ko ‘yun hanggang sa bahay, hanggang sa matutulog na nga ako, e, masaya pa rin ang puso ko. Iba talaga kapag marami kang napapaligaya,” sabi niya.
Maayos ang resulta ng kanyang executive check-up, walang dapat ipag-alala ang kanyang mga tagasuporta, stress lang ang dapat niyang iwasan para hindi tumataas ang kanyang blood pressure.
Naging ugali na kasi ni Willie ang pagiging hands-on sa trabaho, hindi na niya sakop ang departamento dahil may mga staff naman siyang nag-aasikaso, pero mas gusto niyang nakatutok pa rin siya sa production meeting kesa sa magpahinga na lang.
‘Yun na talaga si Willie Revillame, at hindi na ‘yun maiaalis sa kanya, kaya naman matagumpay ang kanyang programa.