tonite-no-thanks-cristy-fermin
Hindi nga naman nagsisinungaling ang mga mata. ‘Yun kasi ang daan papunta sa puso. Ang ligaya at kalungkutan ay makikita sa mga mata. Hindi naitatago.
Maraming nakakapansin na may lungkot ang mga mata ng isang magandang young actress.
Kahit kasama siya sa masasayang eksena sa seryeng kasali siya ay pansin na pansin pa rin ang lungkot sa mga mata ng young actress.
May dahilan ‘yun, malalim ang dahilan, hindi kumpleto ang kanyang buhay. Isang dekada na pala niyang hindi man lang nakikita ang kanyang ama samantalang nagtatrabaho sila sa isang network lang.
Kuwento ng aming source, “Ano kaya ang dahilan at hindi man lang siya hinahanap ng father niya?
Biological father siya ng bata, isang network lang ang pinagseserbisyuhan nila, pero hindi sila nagkikita?
“‘Yun ang dahilan kung bakit malungkutin ang mga mata ng bata. Kung bakit kapag nakikita niya ang mga katrabaho niyang artista na ihinahatid sa set ng mommy at daddy nila, e, lungkot na lungkot siya,” kuwento ng aming impormante.
Anak ng popular na male personality sa isang dating aktres ang young star. Hindi na matandaan ng bagets actress kung kailan sila huling nagkita ng kanyang ama.
“Basta ang alam niya, e, miss na miss na niya ang father niya na napapanood na lang niya sa TV. Hindi naman siya manghihingi ng kahit ano, maa­yos naman ang buhay nilang mag-ina, lalo na’t tanggap na tanggap siya ng stepfather niya.
“Sana naman, magkaisip ang father niya na hanapin siya. Mayakap lang siya ng anak niya, kumpleto na ang buhay ng bagets. Wala na siyang hihilingin pang iba.
“Kung ayaw magsalita ng young actress on national television para magkita silang mag-ama, bakit kaya hindi na lang siya humingi ng tulong sa isang malaking grupo ng mga armadong kalalakihan kung saan miyembro ang daddy niya sa isang serye?
“Magsumbong kaya siya sa bumibida ng serye, tutal naman, e, palagi silang magkaeksena,” napapailing na lang na kuwento ng aming source.
Haaaay, buhay!

Kathryn masuwerte kay DJ

Puring-puri ni Sharon Cuneta si Kathryn Bernardo. Napakasimple raw ng young actress, parang hindi raw siya box-office star, walang kayabang-yabang.
Totoo naman ang komento ng Megastar, ang pelikulang The How’s Of Us nina Kathryn at Daniel Padilla ang may hawak ng marka bilang pinakamatagumpay na pelikula sa lahat ng panahon, sapat na dahilan para ipagmayabang na ng ibang artista.
Maganda at maayos ang pagpapalaki kay Kathryn ng kanyang mga magulang. Lahat silang magkakapatid, kapag nagsalita na ang kanilang ama at ina ay batas na ‘yun, hindi sila sumasagot.
At sa personal naming opinyon, malaking-ma­laking bahagi ng magandang disiplina ni Kathryn ang mga aral at paggabay na dinala niya nang maraming taon bilang miyembro ng INC, hindi maitatago ‘yun.
May mga ate siyang nurse, dentist at flight ste­wardess, may kani-kanyang trabaho na ang mga ito, pero si Kathryn ang pinakamayaman sa magkakapatid.
Pero hindi ‘yun naging dahilan para maging pasaway na si Kathryn, nakatanim pa rin sa lupa ang magkabila niyang paa, hindi pera kundi isang maligayang pamilya ang bumubuo sa kanyang pagkatao.
Kung sinasabi ni Kath na masuwerte siya kay Daniel Padilla ay mas masuwerte ang young actor sa pagkakaroon ng girlfriend na tulad niya na madisiplina, may takot sa mga magulang, mapagkumbaba at walang kaere-ere sa kabila ng kanyang tagumpay.