Young actress nawala ang bag,sapatos sa sobrang kalasingan

PALIBHASA’Y hindi naman talaga siya umiinom, masama palang malasing ang isang pamosong young actress, hindi niya nakokontrol ang kanyang sarili dahil sa epekto sa kanya ng agua de pataranta.

Naganap ang kanyang paglalasing sa isang party, inuman nang inuman ang maraming bisita, kaya naengganyo na rin siyang magmamam ng kanyang mga kasama.

Hala,nomo siya nang nomo, hanggang sa makakita na siya ng mga stars na parang nahuhulog mula sa langit. Hindi niya na kinaya ang lahat, kaya patakbo siyang nagpunta sa CR, du’n siguro niya inilabas ang ispiritu ng nilaklak niyang alak.

Kuwento ng aming source na tawa nang tawa, “Nu’ng bumalik na siya sa party venue, e, hinahanap niya ang bag at shoes niya! May kumuha raw ng mga stuff niya!

“Kung sinu-sino ang pinagbibintangan niyang kumuha raw ng mga kagamitan niya! Imagine, bag at sapatos ang hinahanap niya, ha? Ibig sabihin, e, nagtanggal siya ng shoes sa sobrang kalasingan niya!

“Ang ending, may nag-double check sa CR, nandu’n ang nawawala niyang shoes at bag! Naiwanan pala niya dahil sa sobrang kalasingan niya!” halakhak nang halakhak na kuwento ng aming impormante.

Mahilig sa nomo-nomo ang boyfriend ng young actress na ito.

Ang bag at sapatos, bow!

Idol ng ermat umutang kay singer-actress

NAGKITA sa isang party ang dalawang showbiz personalities. May nagpakilala kay Singer-Actress A kay Actress B. Star-struck si Singer-Actress A, matagal na raw kasi niyang gustong makilala nang personal si Actress B, dahil paborito ito ng kanyang mommy.

Sabi ni Singer-Actress A, “Sayang, wala dito ang mommy ko! Number one fan mo siya!” Kuwentuhan sila nang kuwentuhan sa party, hanggang sa umuwi na si Actress B, hindi pa rin makapaniwala si Singer-Actress A na nakakuwentuhan niya ang idolo ng kanyang ina.

Nu’ng sumunod na gabi ay nakatanggap ng tawag si Singer-Actress A, tinawagan siya ng idolo ng kanyang mommy, napakabilis niyang dinampot-sinagot ang tawag.

“Hello, kumusta ka na? Nakakahiya man, e, puwede mo ba akong pahiramin ng pera? Nandito ako sa ____(isang lugar na maingay at maraming players), padalhan mo naman ako ng datung sa driver mo!” sabi ng nasa kabilang linya.

Humahalipuypoy pang nagsabi ang tinawagan na oo, magpapadala agad siya, parang isang malaking karangalan pa para sa kanya ang mautangan ng idolo ng kanyang ina!

Kuwento ng aming source, “Pero nasundan pa ang pagtawag sa kanya ng idol ng mommy niya! Nangungutang na naman! Wala nang bayaran ang mga nauna, pero nanghihiram na naman sa kanya ang idolo ng nanay niya!

“Nu’ng mga sumunod na tawag ni Actress B, hindi na niya sinagot. Ayaw na niya! Mangungutang na naman kasi ang paborting aktres ng mommy niya!” nakataas ang kilay na kuwento ng aming impormante.

Ha! Ha! Ha! Ha!

Vice havey sa ‘walang pipol’

NAG-birthday leave na ang matapang na news anchor at komentaristang si Raffy Tulfo. Ngayon ang kanyang kaarawan. Sa Lunes na uli ang kanyang balik sa Wanted Sa Radyo.

Alam niya ang protocol, malungkot man siya ay kailangan niyang sumunod sa mga ipinagbabawal ngayong laganap na sa ating bayan ang COVID-19, ipinagbawal na ang pila ng mga hihingi ng tulong at magsusumbong sa kanya sa Radyo 5.

Nakakapanibago, ilang taon na kasi kaming sanay na makita ang sangdamakmak nating kababayang nakapila sa palibot ng TV5, ang iba ngang galing pa sa malalayong probinsiya ay sa pila na mismo natutulog para lang makakuha sila ng numero para sa kanilang pakay kay Raffy Tulfo.

Pero pansamantala lang naman ang ganito, kapag ligtas na tayo sa epidemya ay ibabalik na uli ang pila para sa Wanted Sa Radyo, makapagsusumbong na uli sila kay Raffy Tulfo na bukas ang dalawang kamay sa pagtulong sa kanila.

Ang mga live shows ng GMA-7 at ABS-CBN ay wala na ring studio audience ngayon. Kailangan talagang gawin ang ganu’n para sa kaligtasan ng mayorya.

Sabi ni Vice Ganda at ng kanyang mga kasama nu’ng nakaraang Martes, “Hello, walang people!” sa halip na sa nakasanayan na nating “Hello, madlang people!”