tonite-no-thanks-cristy-ferminNGAYON lang naramdaman ng publiko ang pagmamalabis ng isang young male singer. Ngayon lang siya napuruhan sa kanyang mga pinaggagagawa pero matagal na pala siyang pinoproblema ng kanyang mga kasamahan sa linyang kinabibilangan niya.

Wala pa siyang napatutunayan ay meron na talaga siyang attitude, mahirap siyang katrabaho, pinatunayan ‘yun ng mga nakasama niya sa isang serye.
Kuwento ng isang source, “Naku, dati na siyang ganyan! May attitude na siya kahit nu’n pa. Wala pa ‘yang ipinagmamalaki niyang kantang ‘yan, e, nagpaparamdam na siya ng kaangasan.

“Di ba, nakasama siya sa isang serye nu’n? Ayaw niya ang role niya, hindi kasi pambida, kaya kitang-kitang tinatamad siya.

“Kulang sa discipline ang batang ‘yun! Kung ano ang gusto niya ang kailangang masunod. E, di siya na! Magpatayo siya ng network, para makuha niya ang lahat ng gusto niya!” simulang kuwento ng source.

Nagrereklamo rin ang young male singer kung bakit hindi siya ipinagtatanggol ng kanyang network sa mga ganap sa kanyang buhay at career. May tinitingnan at tinititigan daw ang istasyon, may favoritism, kaya siya naiinis.

Buwelta ng aming impormante, “Paano naman siya idedepensa, e, puro kalokohan ang mga pinaggagagawa niya? Anong damage control ang gagawin ng network, e, malinaw namang siya ang nagmamalabis?

“Hindi paborito ng network ang young male singer na binibira niya, walang kinakampihan ang mga executives, lumulugar lang sila sa tama. Ang pagtatanggol ba ang hinahanap niya? Hindi raw siya kinukuhang guest sa isang musical variety show, samantalang ‘yung kalaban niya, e, almost regular na?

“Madisiplina kasi ang kinaiinisan niyang young male singer, very professional, saka hindi maangas na tulad niya! Again, magtayo siya ng sarili niyang network, isaksak niya ang sarili niya sa lahat ng shows!
“Gusto niyang sakupin ang lahat-lahat, puwes, hindi siya team player, tumira na lang siya sa buwan!” inis na pagtatapos ng aming source.
***

Kristal ni Kris magpapatawad kay Falcis

UY, ang suwerte-suwerte naman ni James Yap, ito ang napagtripang puri-purihin ngayon ng nanay ni Bimby dahil ayon daw sa mga hawak-hawak niyang crystals ay kailangan na niyang burahin ang anumang negatibong kung anuman na naglalaro sa kanyang isip at puso.

Tanong ng isang kilalang direktor na tumawag sa amin habang tinitipa namin ang kolum na ito, “Kapatid, hindi ka ba naloloka? Nasa tamang huwisyo ka ba ngayon pagkatapos mong mabasa ang mga posts ni Kris Aquino?”

Medyo. Dahil parang kailan pa lang ‘yun nu’ng upak-upakan niya ang basketbolista, walang mukhang maiharap si James habang nagdidribol at nagsusyut dahil sa kanyang mga rebelasyon, pagkatapos ngayon ay pinupuri-puri niya na ang tatay ni Bimby?

Ang tanong ay kung hanggang kailan naman kaya? Kapag hindi na ba hawak-hawak ni Kris ang mga mahiwaga niyang crystals ay pagtitripan na uli niyang kalampagin ang ama ni Bimby?

At kung totoong naniniwala si Kris na kailangan niya nang tanggalin ang kung anumang negatibo sa kanyang sistema ngayon ay dapat na rin pala siyang makipagkita sa gitna kay Phillip Salvador na ama naman ni Josh?

Tulad ni James Yap ay binulabog din niya ang pananahimik ni Kuya Ipe,
ipinahiya rin niya sa buong mundo, kaya siguro naman ay papayag ang mga hawak niyang crystals na tapusin na nila ang sigalot kahit para na lang sa kanyang panganay na si Joshua.

Sabi ni direk bago nito ibinaba ang telepono, “Hindi na nakapagtataka kung isang araw, e, si Joey Marquez naman ang maalala niya. Sa totoo lang!
“O baka bigla siyang mag-post na pinatatawad na niya si Nicko Falcis dahil ‘yun ang gusto ng mga crystals!” humahagalpak na komento ng aming kausap.
Ewan!