Hanggang ngayon ay may kirot pa rin sa puso ni Yul Servo ang pagkawala ng kanyang mentor-manager-discoverer na si Direk Maryo J. delos Reyes.
Sa panayam ng online show ng Abante TONITE na “Tambayan ng Tsika” sa actor-politician with Roldan Castro at Alwin Ignacio, nagbalik-tanaw si Yul sa pangangalagang ginawa sa kanya ni Direk Maryo, bilang premyadong actor at maaasahang public servant.
“Actually, siya ‘yung nagdidikit sa mga magkaka-patid, ‘yung Maryo Brothers. Siya ‘yung ‘pag may event, laging may dinner, kainan, lunch… Nagpapatawag ng presscon, sa mga kapatid na kasamang press, tapos ‘yung mga advice niya, kapag may problema ka, ‘pag may mga gusto kang… alam mo ‘yung sagot, na talagang tutulungan ka.”
Aminado si Yul na noong una ay ayaw ni Direk Maryo na pumasok siya sa politika. “Hindi ako pina-yagan. ‘Huwag na, mag-artista ka na lang, baka kainin ka pa ng sistema, mangurakot ka pa.”
Ano ang opinyon niya sa same sex marriage?
“Sa akin naman, ang pagmamahal ay wala namang gender iyan, eh. Kasi, bakit mo pipigilan ‘yung love ng isang tao, na iyon ‘yung nararamdaman niya… kasalanan niya bang ipinanganak na ganoon ang kasarian niya? Na napunta siya roon sa LGBT, ‘di ba? Dapat bigyan din natin ng pagkakataon, kasi iba na ‘yung panahon ngayon. Biruin mo sa industriyang kinalakihan ko na nag-develop sa pagkatao ko kung ano ako ngayon ay maraming LGBT-si Direk Maryo, si kuya Jake Tordesillas, at iba pa…
“Siyempre ang tao na mismo ang mamimili kung ano ang gusto niyang maging, ‘di ba? Puwede siyang maging masama, puwedeng maging mabuti, puwedeng mapariwara o puwede niyang pagandahin ang buhay niya. Kaya siguro kung may pagkaka-taon na suportahan sila, isa ako sa susuporta sa kanila. Marami kaming mga kadistrito na member ng LGBT, respetado silang mga tao. Maayos ang buhay nila, ‘di pabigat sa community, actually mga creactive talaga sila,” wika pa ni Yul.
Tumutulong ba si Piolo Pascual sa kandidatura niya?
“Iyong tulong ng kaibigan natin, hindi lang tuwing eleksyon, maski walang eleksyon tumutulong siya sa distrito ko. Tuloy-tuloy, actually natutulungan na rin kasi ako roon, kasi ibinababa niya sa distrito ko ‘yung tulong niya.
Guest din ang sister ni Yul na si Apple Nieto na chief of staff ng actor-politician for almost 12 years at kandidato ngayon bilang konsehal ng 3rd District of Manila.
Buo naman ang suporta ni Yul, kay Apple. “Oo naman, kasi nakikita ko naman iyong determinasyon niya, iyong lakas niya, iyong puso niya, iyong sinseridad niya. Kaya pinayagan ko siyang sumali sa politika. Basta ayusin niya lang ang trabaho niya. Kasi kapag hindi niya inayos, mag-resign ka na lang,” saad pa ni Yul.