Yumari sa dalagang bisor timbog

Naaresto sa follow-up operation ng Muntinlupa City Police ang isang helper na umano’y responsable sa pagkamatay ng isang dalaga na assistant supervisor ng Llanas Supermarket sa Barangay Cupang, Muntinlupa City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. General Eliseo Cruz ang suspek na si Alexander Dimaunahan Jr, 23, helper at stay-in sa Buko Island sa No. 059–H Nofuente Compound, Purok 2 Brgy. Cupang.

Ayon kay Cruz, alas-9:00 ng umaga nang maaresto ang suspek sa Liliw St., San Pablo Laguna.

Nauna rito, natagpuan ng co-boarder na si Maricor Mendoza, 27, ang bangkay ng biktima sa loob ng bodega sa Buko Island na nakasilid sa isang sako ng bigas sa Brgy. Cupang, Muntinlupa nitong Sabado ng alas-11:00 nang umaga.
May sugat sa ulo, may laslas sa tiyan at kamay na halos matanggal na ang kaliwang daliri at walang saplot na pang-itaas nang matagpuan ang biktimang si Sheva Adare Mae Prementil, 22-anyos, assistant supervisor at naninirahan sa No.061–A Nofuente Compound.

Sinabi ni Cruz na mismong ang ama ng suspek na si Alexander Dimaunahan Jr. ang nakausap ng pulisya nang sila ay magtungo sa nasabing lugar kung saan sinabi nito na umuwi ito sa kanilang bahay.

Nadatnan naman ito ng pulisya sa kanilang bahay sa Liliw, San Pedro.
Nabatid na masugid na manliligaw ng biktima ang suspek.

Lumabas pa sa report na ang suspek ay mayroon nang rekord na kasong paglabag sa Republic Act 9165 o comprehensive dangerous drugs of the 2002, noong Agosto 12, 2016. May naka-pending na warrant of arrest sa kasong frustrated homicide bukod pa sa itinuturong No. 5 Most Wanted sa lalawigan ng San Pedro, Laguna. (Armida Rico)