Inaresto ng Cavite police ang associate manager ng Zalora nang tangayin nito ang tinatayang P15,000 halaga ng Ray Ban shades at relo habang papalabas ng kompanya sa Carmona, Cavite.

Kulong sa Carmona Custodial Center ang suspek na si Brent Raymundo, 44, may-asawa ng Brgy. Laguerta, Calamba City Laguna dahil sa reklamo ni Renante Tolentino, security guard ng Zalora E-Commerce.

Sa report ni PSSgt. Joel Mendoza ng Carmona Municipal Police Station, papalabas ng Zalora warehouse na matatagpuan sa Golden Mile Business Park ng naturang bayan si Ramundo dakong alas-siyete kamakalawa ng gabi at bilang Standard Operation Procedures (SOP) ng kompanya ay inispeksiyon ito kung saan nakatago sa loob ng kanyang back pack ang ilang piraso ng Ray Ban shades, Fossil Chronograph at Nova watch na umaabot sa halagang P15,525.03.

Sinampahan ang suspek ng kasong qualified theft. (Gene Adsuara)