Makakaranas ng maulap na kondisyon na may kasamang katamtaman hanggang sa paminsan-minsang malakas na pag-ulan ang malaking bahagi ng Zambales at Bataan gayundin ng mga thunderstorms na maaaring sanhi ng flashfloods at landslides, dahil na rin sa pag-iral southwest monsoon.

Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang natitirang bahagi naman ng Luzon ay magiging maulap na may mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan na may kasamang pagkidlat at pagkulog.

Ang iba pang mga bahagi ng bansa ay magkakaroon din ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na may pulo-pulong pag-uulan, pagkidlat, pagkulog.

Magiging katamtaman hanggang sa maalon ang baybaying karagatan habang ang hangin naman sa Visayas ay magiging mahina hanggang sa katamtaman na magmumula sa Timog Kanluran patungong Kanluran ng Western Visayas at mula sa Kanluran naman patungong Hilagang Kanluran sa iba pang natitirang bahagi ng bansa.