Nagsalita na si Baguio City Mayor Benjamin Magalong sa nangyaring umano’y paglabag ni San Juan City Mayor Francis Zamora at ilan pang kasamahan nito ng magtungo ang mga ito sa Baguio County Club.
Ayon kay Magalong, malinaw na nilabag nina Zamora ang health protocol sa Baguio matapos na lumusot sa checkpoint sa Kennon Road na hindi sumasalang sa mandatory triage health examination.
Giit ng Baguio mayor, walang nakakataas sa mga polisiya ng city government kahit ano pa ang posisyon ng isang tao.
“There is utmost need to re-assert the policy position of the City Government, that no one, regardless of rank and position, is exempted from the established and long-held health and safety protocols when entering the city,” ani Magalong.
Kwento ni Magalong, June 5 alas-2:30 ng hapon ay dumating ang grupo ni Zamora na may anim na convoy kung saan hinarang sila sa Kennon Road quarantine checkpoint.
Nagbagal ng takbo ang driver ng lead vehicle, ngunit tinuro lang na parte siya ng convoy at kasama niya ang mga nasa likod at muling binilisan ang takbo, nilampasan ang quarantine checkpoint.
Dito na tumawag ang nakabantay sa Baguio City Police Office para ipabatid ang insidente, kung saan nila sinundan sina Zamora sa Baguio County Club.
Pagdating doon ay hinanapan sina Zamora ng medical clearance ngunit walang maipakita, kaya’t pinakiusapan ang mga ito na sumalang sa triage examination.
Pinadala ang mga medical worker mula sa Baguio City Health Office sa county club para mag-setup ng triage facility at masuri sina Zamora.
“From this narration of facts, it can be reasonably sensed that Baguio’s health and safety protocols have been violated and the regulatory mechanism of quarantine check and triage examination of Naguillan facility was not followed,” ayon kay Magalong.
Humingi naman umano ng paumanhin si Zamora sa ginawang paglabag sa quarantine protocol at dinahilan na natutulog siya noong dumaan sa checkpoint ang convoy.(RP/Juliet de Loza-Cudia)