Kailangang manala­ngin ang mga taxpayers, lalo na ang kumikita lamang ng P300,000 kada taon, na maipasa ang panukalang batas sa Kamara na maglilibre sa kanila sa buwis.

Ayon kay House de­puty speaker Miro Quimbo ng Marikina City, halos 10 milyong taxpayers ang malilibre sa buwis kapag naipasa ang kanyang pa­nukala o House Bill 20 na nagsasaad na huwag nang singilin ng buwis ang mga kumikita ng P300,000 pababa kada taon.

“With this proposal, almost 10 million taxpayers will finally be liberated from decades of suffering. Since 1997, the ordinary Filipino has been paying for the highest tax rates in Asia. It’s time to set them free!” ani Quimbo.

Sinabi ng mambabatas na hindi itinuturing ng gobyerno na pobre ang mga middle income earners na ito subalit hindi sapat ang nasabing halaga para sila ay mabuhay nang disente.

Patuloy kasi aniya ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, renta ng bahay at edukasyon ng kanilang mga anak kaya nararapat na ilibre na ang mga ito sa buwis na sa ngayon ay umaabot ng 32% na kapareho rin ng binabayaran ng mga mayayaman at mas malalaki ang kita.

Imbes na ang mga ordinaryong manggagawa umano ang pigain sa buwis ay ang mga mayayaman na lamang ang patawan ng mas mataas na buwis lalo na ang mga kumikita ng P10 mil­yon kada taon.